‘Di talaga mapigilan ang Perpetual spikers
MANILA, Philippines - Sa 51 sunod na laban sa loob ng limang seasons, hindi pa natatalo ang Perpetual Help sa men’s volleyball tournament. Gawin na itong 52.
Giniba ng Altas ang Lyceum Pirates, 27-25, 25-14, 27-25 para ipagpatuloy ang kanilang hindi matapus-tapos na pananalasa sa 90th NCAA volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Pinamunuan nina Neil Barry Ytorzaita at Bonjomar Castel ang Perpetual sa hinataw nilang 13 at 11 hits, ayon sa pagkakasunod, kasama ang mahahala-gang kills sa first at third sets kung saan diniskaril ng Las Piñas-based school ang pagtatangka ng Lyceum na makaagaw ng set.
Muling napasakamay ng Altas ang solo lead sa kanilang limang sunod na panalo ngayong season para ungusan ang Emilio Aguinaldo College (4-0).
Sinabi ni Perpetual Help coach Sammy Acaylar na mas iniisip nila ang pagsikwat sa pang-limang sunod na korona kaysa sa winning streak. “Our first priority is winning the championship,” sabi ni Acaylar.
Sa women’s play, tinalo ng Arellano University ang EAC, 25-13, 25-15, 25-20 para sa kanilang 5-0 record.
Nagtuwang sina Danna Henson, Shirley Salamagos at CJ Rosario para sa panalo ng Lady Chiefs nang tumapos na may 14, 13 at 11 hits, ayon sa pagkakasunod.
Pinayukod naman ng defending women’s titlist Perpetual Help ang Lyceum, 25-18, 25-21, 25-21 para sa kanilang 4-1 baraha.
- Latest