Hagdang Bato may patutunayan
MANILA, Philippines – Magkakaroon ng pagkakataon na muling mapatunayan ng Hagdang Bato na mas mahusay ito kumpara sa imported horse na Crucis sa pagtatapat ng dalawa sa 2014 Philracom Ambassador Eduardo M. Cojuangco, Jr. Cup sa Nobyembre 30 sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Nagkita ang dalawang premyadong kabayo sa unang pagkakataon sa Challenge of Champions Cup noong Agosto sa nasabing pista at ginawa ito sa 1,750-metro.
Dominado ng local horse na pag-aari ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos ang karera pero may mga ulat na may iniinda ang Australian horse na pag-aaari ni Marlon Cunanan kaya’t naging one-sided ang laban.
Ang magaganap na karera ang magsasabi kung sino talaga ang mahusay sa dalawang ito lalo pa’t sa mahabang 2,000-metro ang distansya ng karera.
Pareho ang ibinigay na handicap weight sa Hagdang Bato at Crucis na nasa 55 kilos kaya’t tiyak na magiging balikatan ito.
Halagang P1.2M ang mapapasakamay ng may-ari ng mananalong kabayo habang P450,000.00, P250,000.00 at P100,000.00 ang mapupunta sa papanga-lawa hanggang papang-apat sa datingan.
Samantala, hinirang na kampeon ang Pugad Lawin sa Philracom Grand Sprint Championship. (AT)
- Latest