Lumabas ang laro ng La Salle volleybelles
MANILA, Philippines - Lumabas ang tunay na laro ng La Salle Lady Archers sa ikatlo at ikaapat na sets para sa 25-23, 24-26, 25-14, 25-17 panalo laban sa Adamson Lady Falcons sa 77th UAAP women’s volleyball kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Matapos ang balikatan sa unang dalawang sets, ginamit ng Lady Archers ang lakas sa attacks at blocking sa sumunod na dalawang sets upang makasalo sa liderato sa 1-0 baraha kasama ang Ateneo Lady Eagles, UST Lady Tigresses at FEU Lady Tamaraws.
Ang beteranang si Victonara Galang ay mayroong 27 puntos na nagmula sa 22 kills at limang blocks habang si Camille Mary Arielle Cruz ay naghatid ng siyam na kills tungo sa 10 puntos.
May apat na blocks si Mika Reyes tungo sa siyam na puntos habang sina Desiree Cheng, Kim Fajardo, Kim Dy at baguhang Christine Joy Soyud ay nagsanib sa 21 puntos.
Nagkaroon ng 14-4 bentahe ang La Salle sa blocks matapos manaig din sa attack points, 49-46 at sa serve, 8-7.
Nagsanib naman ang mga beteranang sina Bernadette Pons at Remy Palma sa 25 puntos para ibigay sa Lady Tamaraws ang 25-14, 26-24, 25-20, panalo sa UP Lady Maroons sa unang laro sa kababaihan.
Samantala, nanalo ang UST sa UE, 25-18, 25-22, 25-21, habang ang UP ay nangibabaw sa La Salle, 22-25, 25-21, 25-14, 22-25, 15-12, sa men’s action.
Bunga nito, ang Tigers at Maroons ay kasalo ng nagdedepensang kampeon National University Bulldogs at Ateneo Eagles sa unang puwesto sa 1-0 baraha.
- Latest