Spurs tinambakan ang Timberwolves
MINNEAPOLIS – Binuksan ng San Antonio Spurs ang pagdedepensa sa kanilang pang-limang NBA title sa malamyang mga laro.
Ang isang dominanteng panalo sa Minnesota Timberwolves ang kumumbinse kay coach Gregg Popovich na nagbalik na ang kanilang pamatay na porma.
Umiskor si guard Tony Parker ng 28 points sa loob ng 25 minuto at pinabagsak ng Spurs ang Timberwolves, 121-92, na hindi nakuha ang serbisyo ng apat nilang starters.
Nagtala si Parker ng 12-of-18 fieldgoal shooting na tinampukan ng kanyang 3-of-3 clip sa 3-point line.
Nagdagdag naman si Danny Green ng 18 points para sa Spurs, lalabanan ang Brooklyn Nets sa San Antonio sa Sabado.
Kumolekta si Tim Duncan ng 9 points at 10 rebounds sa loob ng 23 minuto, habang may 13 points at 11 boards si Austin Daye para sa Spurs.
Tumipa si Anthony Bennett ng career-high na 20 points sa panig ng Timberwolves, nagparada lamang ng 10 players matapos ihayag na mayroong fractured right wrist si Kevin Martin.
Naglaro din ang Timberwolves nang wala sina starters Ricky Rubio, Nikola Pekovic and Thaddeus Young at backup big man Ronny Turiaf.
Sa Dallas, nagtala si Dirk Nowitzki ng 23 points bago ipinahinga sa kabuuan ng fourth quarter at ginamit ng Mavericks ang kanilang highest-scoring offense sa pagkuha sa 140-106 panalo laban sa Los Angeles Lakers.
Ito ang pang-anim na sunod na panalo ng Mavericks at ikaapat na dikit kontra sa Lakers, giniba ng Dallas sa regular season sa unang pagkakataon sa 2013-14 season.
- Latest