Ika-2 panalo ng Hagdang Bato sa buwan ng Nobyembre
MANILA, Philippines – Sa ikalawang pagkakataon sa buwan ng Nobyembre ay tumakbo uli ang Hagdang Bato at nakapagtala rin ng magandang panalo na nangyari noong Martes ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Si Jonathan Hernandez ang dumiskarte uli sa premyadong kabayo na itinanghal bilang back-to-back Horse of the Year awardee at walang problema ang tambalan na pinangunahan ang Special Class Division race sa distansyang 1,400-metro.
Tumakbo kasama ang coupled entry na El Libertador ni AR Villegas, ang panalo ng Hagdang Bato na huling tumakbo noong Nobyembre 9 ay patunay na handa na ito sa mga malalaking karera sa pangunguna ng Presidential Gold Cup sa Disyembre.
Pumangalawa ang Basic Instinct sa pagdadala ng Dominador Borbe Jr.
Balik-taya ang ibinigay sa win ng Hagdang Bato (P5.00) habang P13.00 ang ibinigay sa 3-1 forecast.
Samantala, pinatunayan ng Take It Or Leave It ang pagiging paborito sa mga dalawang taong kabayo na naglaban sa 2YO Maiden A sa 1,400-metro karera.
Sa back stretch nagsimulang uminit ang dalawang taong filly na anak ng Tempestous Wind at Cat’s Jewel.
Sa huling 150-metro ng karera humarurot pa ang kabayong sakay ni Jeff Bacaycay tungo sa dominanteng panalo.
Pumalo sa P6.00 ang ibinigay sa win habang ang 13-7 forecast ay may P49.00 na ipinamahagi.
Ang lumabas bilang dehadong kabayo ay ang Classical Bid na dinomina ang class division 1A sa 1,400-metro distansya.
Ang iba pang nanalo ay ang Super Spicy (race 2), HighB Voltage (race 4), West Dream (race 5), Queen Quaker (race 6) at Spring Singer (race 7). (AT)
- Latest