Cagayan, Cafe France patibayan
MANILA, Philippines – Magpapatibayan ang Cagayan Valley Rising Suns at Café France Ba-kers sa itaas ng standings sa pagpapatuloy ng PBA D-League Aspirants’ Cup ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ang laro sa pagitan ng dalawang koponan na hindi pa natatalo matapos ang tatlong laro ay matutungha-yan dakong alas-2 ng hapon at masisilayan din sa unang pagkakataon ang husay ng 6’7” Fil-Tongan center na si Moala Tautuaa.
Si Tautuaa ang number one rookie pick ng Rising Suns pero hindi agad nakasama sa naunang tatlong games dahil lumaro pa siya sa ASEAN Basketball League (ABL) sa koponan ng Malaysia Dragons.
Umabot sa finals ang Dragons pero minalas na matalo sa Hi-Tech Bangkok City.
Naghatid si Tautuaa ng 12.5 puntos, 6.25 rebounds at 1.29 assists sa ABL, mga numero na kung magagawa sa D-League ay tiyak na makakatulong sa Rising Suns para lumakas ang paghahabol ng titulo sa 12-koponang liga.
Sa kabilang banda, sasandalan ng Bakers ang pagkakaroon ng mga shooters bukod pa sa malalaking manlalaro na may taglay na bilis para saluhan uli ang nagsosolo sa unang puwesto na Ha-pee Fresh Fighters.
Unang tagisan sa ganap na ika-12 ng tanghali ay sa hanay ng Tanduay Light Rhum Masters at Cebuana Lhuillier Gems habang ang huling laro ay sa pagitan ng Jumbo Plastic Giants at Wangs Basketball dakong alas-4 ng hapon.
Gigil ang Tanduay at Cebuana na makuha ang panalo para wakasan ang dalawang sunod na kabiguan na nagsantabi sa panalong nakuha sa kanilang unang asignatura.
Sa kabilang banda, pag-aagawan ng Giants at Wangs ang ikatlong panalo matapos ang apat na laro para manatiling nasa ikaapat na puwesto. (AT)
- Latest