48-sunod na panalo sa Perpetual spikers
MANILA, Philippines - Kumuha ng lakas ang Perpetual Help sa kanilang mga bagong maaasahang players upang igupo ang Jose Rizal, 25-19, 25-14, 25-20 at hatakin ang kanilang winning streak sa 48–sunod na panalo sa pagsisimula ng men’s division ng 90th NCAA volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City kahapon.
Nagbida si Neil Barry Ytorzaity, ang reserve player na pumuno sa puwestong iniwan ng MVP noong nakaraang taon na si Jay dela Cruz sa kanyang pinakawalang match-high na 16 hits-10 sa kills, tatlo sa blocks gayundin sa aces.
Ang panalo ng Perpetual ay magandang simula sa kampanya para sa ikalimang sunod na titulo kasabay ng pagpapalawig ng kanilang pagpapanalo sa apat na seasons na.
Magarbo ring binuksan ng Arellano University ang kanilang kampanya sa pamamagitan ng 23-25, 27-25, 25-16, 23-25, 15-11 panalo sa Mapua gayundin ang College of St. Benilde na nagtala ng magaang tagum-pay sa Letran, 25-13, 25-19, 25-20.
Pinangunahan nina Christopher Vhal Soriano at Benrasid Latip ang Chiefs sa kanilang 14 at 13 hits, ayon sa pagkakasunod habang sumandal naman ang Blazers kay Johnvic de Guzman na nagtala ng 15 hits.
- Latest