Cagayan at Systema puntirya ang kanilang mga korona
MANILA, Philippines – Handang ipakita ng Army Lady Troopers ang determinasyon na maging kampeon uli sa Shakey’s V-League sa pagpigil sa inaasahang malaking selebrasyon ng Cagayan Valley Lady Rising Suns sa Game Two ng women’s finals sa Season 11 Third conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Nalalagay sa matinding hamon ang Army dahil natalo sila sa Game One ng Cagayan, 23-25, 25-20, 21-25, 18-25, sa unang pagkikita noong nakaraang Linggo sa kanilang best-of-three series sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
Sa ganap na alas-2:45 ng hapon magsisimula ang laro at ang tangkang krusyal na panalo ay gagawin ng Lady Troopers na wala ang dalawang importanteng manlalaro sa kanilang rotation.
Sina 6-foot-2 Dindin Santiago at Carmina Aganon ay hindi makakapaglaro sa Army dahil sabay na kakampanya ang koponan at ang mother team sa isang commercial volleyball league na maglalaro rin ngayong hapon.
“Maaaring maging blessing in disguise ito sa amin. Ang hamon ay nasa mga beterana namin na ipakitang kaya nilang dalhin ang koponan,” wika ni Army head coach Rico de Guzman.
Sina Jovelyn Gonzaga, Rachel Ann Daquis, Mary Jean Balse, Nerissa Bautista, Christine Agno at Tina Salak na mga nagtulong nang igupo ang Lady Rising Suns sa Open Conference ang mga aasahan.
Ngunit mas malakas ang Cagayan ngayon dahil sa paghugot kina Thai imports Amporn Hyapha at Patcharee Saengmuang katulong sina setter Chie Saet at Aiza Maizo-Pontillas na siyang MVP ng liga.
Bago ang larong ito na suportado ng Accel at Mikasa at mapapanood nang LIVE sa GMA News TV, ay sasalang muna ang Systema Active Smashers laban sa Instituto Estetico Manila Volley Masters sa alas-12:45 sa men’s finals.
Ang Systema ang may hawak ng 1-0 kalamangan ngunit asahan na mas magiging palaban ang IEM para mapaabot sa ‘do-or-die’ ang serye.
- Latest