Nagkasundo ang MMTCI at mga hinete
MANILA, Philippines - Nagbunga ang pagpupulong na ipinatawag kahapon ng Philippine Racing Commission (Philracom) para hindi na lumala pa ang problema sa panig ng mga hinete at pamunuan ng Metro Turf sa Malvar, Batangas.
Sa pangunguna ni Philracom chairman Angel Castaño Jr., pinakinggan ng komisyon ang karaingan ng mga hinete at ang panig ng ikatlong racing club at bago natapos ang tatlong oras na pagpupulong ay nakahanap ng solusyon para tiyaking matutuloy ang karera na nakatakda kagabi.
“Maganda ang resulta ng meeting at natutuwa ako na nagkaayos ang lahat sa nabuong short at long term solution,” wika ni Castaño.
Kumilos ang Komisyon dahil nakansela ang karera sa nasabing pista noong Huwebes nang walang sumakay na hinete.
Nagbigay ng excuse letter ang mga hinete para hindi sumakay dahil sa pangamba na sapitin ang nangyari kay LT Cuadra Jr.
Si Cuadra ay nahulog sa kabayong Think Again noong Linggo at kasalukuyan pang inoobserbahan sa ospital matapos operahan sa ulo.
Inirereklamo ng mga hinete ang matigas na pista kaya kung may nahuhulog ay malaki ang nagiging pinsala.
Ang pangulo ng Jockeys’ Association na si Gilbert Francisco ang kumatawan sa hanay ng mga hinete habang ang iba pang dumalo sa pagpupulong ay sina MMTCI racing manager Rudy Prado at Trainer’s Assocoation president Oliver Franco.
Napagkasundan ng lahat na para matiyak na ligtas ang pista, pinahihintulutan ang mga hinete at pamunuan ng club na suriin muna ito bago itakbo ang isang karera.
“Kung kailangan na bago tumakbo ang bawat race ay titingnan nila ang pista ay ayos sa amin lalo na kung umuulan dahil lalong titigas ito. Ginagarantiya ko na mabibigyan sila ng sapat na oras kung kailangang ayusin ang pista para sa kaligtasan ng mga hinete,” pahayag ni Castaño.
Ang long term solution na napag-usapan ay ang pag-aralan uli ang disenyo ng race track dahil baka may pagkakamali sa pagkagawa nito.
“Ang suggestion ko ay hiramin nila ang design ng mga racing clubs na San Lazaro at Sta. Ana at kanilang i-compare ito sa kanilang pista. Sa ganitong paraan ay makikita kung saan ang problema,”paliwanag pa ng Philracom head.
Sa panig ng Philracom ay kanilang pinatawad ang mga hineteng hindi sumakay sa kanilang mga kabayo dahilan sa milyun-milyong pagkalugi ng racing club at pamahalaan bukod sa nawalang kita ng iba pang maliliit na tao sa industriya.
Suspension ang kaparusahan sa isang hinete na biglang hindi sasakay sa kanyang kabayo.
Nananalig si Castaño na hindi na mauulit ang pangyayari upang hindi masira ang inaasahang magandang kita ng industriya sa taong ito. (AT)
- Latest