Kukunin na ng PLDT at FEU ang 3rd place
MANILA, Philippines - Asahan na hihigitan pa ng PLDT Home Telpad Turbo Boosters at FEU Tamaraws ang naipakitang laro noong Martes para angkinin ang ikatlong puwesto sa pagpapatuloy ng Shakey’s V-League Season 11 Third Conference ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.
Sasalang muna ang FEU kontra sa Rizal Technological University Blue Thunders sa men’s division sa ganap na ika-2 ng hapon bago puma-lit ang Turbo Boosters kontra sa Meralco Power Spikers dakong alas-4 sa women’s division ng ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng Shakey’s bukod sa ayuda pa ng Accel at Mikasa.
Sina Joshua Barrica, Greg Dolor, Jeric Gacutan at Franco Camcam ang mga kakamada uli para sa FEU na nagtulung-tulong sa 30-28, 21-25, 25-16, 25-23 panalo sa Game One noong Martes.
Napalaban ang PLDT sa Meralco pero sapat ang karanasan ng kanilang mga manlalaro para maipanalo ang ikaapat at ikalimang sets, 25-21, 21-25, 20-25, 25-20, 15-11.
Ang husay nina Gret-chel Soltones, Sue Roces, Maruja Banaticla, Angela Benting, Rysabelle Devanadera at Rubie De Leon ang pagkakatiwalaan uli ng PLDT para wakasan na ang best-of-three series.
Asahan na gagawin ng Power Spikers ang lahat ng makakaya upang makuha ang panalo na tatapos sa pitong dikit na pagkatalo sa liga sa tulong nina Abby Maraño at imports Wanida Kotruang at Misao Tanyama. (AT)
- Latest