Houston, 4-0 na
PHILADELPHIA – Nasa magandang simula ang Houston sapul noong 1996 matapos magtala ng apat na sunod na panalo, salamat sa mga kalaban nilang magagaang koponan.
Ang mga susunod nilang laro ay kontra sa mga bigating NBA finalists na Miami at San Antonio na magbibigay sa kanila ng pagkakataong patunayan ang kanilang kakayahan.
Tumapos si James Harden ng 35 points at 9-rebounds at nagdagdag si Dwight Howard ng 11 points at 14 rebounds upang ihatid ang Houston Rockets sa 104-93 panalo laban sa Philadelphia 76ers nitong Lunes ng gabi sa NBA.
Pumukol si Trevor Ariza ng anim na 3-pointers at umiskor ng 24 points para tulungan ang Houston.
Ang Rockets ay nagtala ng 16-of-34 triples at dinomina nila ang Sixers sa rebounding, 47-31.
Ipinasok ni Harden ang kanyang unang 17 free throws at ang buong Rockets ay may 27-of-32 field goals.
Pinangunahan ni Tony Wroten ang wala pang panalong Sixers (0-4) sa kanyang 20 points.
Sa New York, nakita sa ngiti ni Brook Lopez kung gaano siya kasaya ngayong nakabalik na sa paglalaro ngunit para sa Oklahoma City Thunder, isa itong tinik sa kanilang lalamunan.
Umiskor si Lopez ng 18 points sa kanyang unang regular-season game matapos ang halos 11-buwang pagkawala sa aksiyon upang ihatid ang Brooklyn Nets sa 116-85 panalo laban sa Thunder na pinaralisa ng injuries.
Nagdagdag si Alan Anderson ng 18 points at si Deron Williams ay may 17 points at nine assists para sa Nets na pinahirapan ang Oklahoma na di nakaasa kina Kevin Durant at Russell Westbrook na nadagdagan pa ng pagkaka-sprain ni starting guard Andre Roberson.
- Latest