Ginebra babangon
MANILA, Philippines – Magpipilit makaba-ngon ang Gin Kings mula sa una nilang kabiguan para masolo ang ikatlong puwesto, habang mag-uunahan namang ma-kabawi sa kanilang mga pagkatalo ang Sorento at ang Batang Pier.
Lalabanan ng Bara-ngay Ginebra ang Blackwater ngayong alas-7 ng gabi matapos ang salpukan ng Kia Sorento at Globalport sa alas-4:15 ng hapon sa 2014-2015 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Matapos talunin ang Talk ‘N Text (101-81) at Kia (87-55) ay nabigo ang Ginebra sa NLEX, 81-97 noong nakaraang Miyerkules.
Hindi nakapalag ang Gin Kings matapos magsagawa ang Road Warriors ng 23-5 atake sa fourth quarter at ito ang pilit na iiwasang muling mangyari ni coach Jeffrey Cariaso sa kanilang pagsagupa sa Elite.
Nanggaling ang Blackwater ni mentor Leo Isaac sa 75-83 kabiguan sa Meralco para sa kanilang pangatlong sunod na kamalasan.
Muling aasahan ng Gin Kings sina Mark Caguioa, seven-foot Greg Slaughter, Japeth Aguilar, LA Tenorio at Chris Ellie katapat sina Alex Nuyles, Ogie Menor, Sunday Salvacion, Bam Bam Gamalinda at JP Erram ng Elite.
Sa unang laro, hindi pa rin masasamahan ni playing coach Manny Pacquiao ang Kia sa ikatlong sunod na pagkakataon sa pagharap sa Globalport.
Patuloy ang ginagawang pag-eensayo ng Filipino world eight-division champion sa kanyang training camp sa General Santos City at inaasahang bibilinan ang Sorento bago labanan ang Batang Pier.
“Ganun talaga, expansion team, growing pains ito though positive pa rin ako,” sabi ni assistant coach Glenn Capacio sa Kia na nakalasap ng 88-117 kabiguan sa Rain or Shine sa huli nilang laro.
Magmumula naman ang Globalport sa 75-81 kabiguan sa nagdedepensang Purefoods kung saan naisuko nila ang kanilang 18-point lead sa kaagahan ng fourth quarter.
Sina Reil Cervantes, LA Revilla, Alvin Padilla at Rudy Lingganay ang muling aasahan ng Sorento, nakamit ang una nilang panalo matapos gitlain ang Blackwater, 80-66 sa pagbubukas ng 40th season noong Oktubre 19.
Itatapat naman ng Batang Pier sina No.1 overall pick Stanley Pringle, Terrence Romeo, Alex Cabagnot, Mark Isip at Yancy De Ocampo.
Matapos ang 0-2 pa-nimula, naitala ng Globalport ang una nilang panalo matapos payukurin ang Barako Bull, 91-81 noong Oktubre 26. (RC)
- Latest