2 Pinoy riders kumuha ng bronze medal
MANILA, Philippines – Gumawa ng marka sina John Derick Farr at Arianne Dormitorio nang maging kauna-unahang medalists ng bansa sa Asian Mountain Bike Championships sa Lubuk Linggau, Indonesia.
Ang 18-anyos na si Farr ay sumali sa Downhill Elite at nagpakilala siya sa kinuhang bronze medal mula sa dalawang minuto at 29.12 segundong tiyempo.
Tumalo kay Farr ang mga beteranong sina Suebsakun Suk-Chanya ng Thailand (2:27.38) at Kazuki Shimzi ng Japan (2:28.85) para sa ginto at pilak na medalya.
Ang ikalawang medalya ng bansa ay naihatid ng 18-anyos na si Dormitorio sa larangan ng Cross Country Women Junior sa 1:07.50 oras.
Nagawa ito ni Dormitorio kahit nagkaproblema siya sa handle bar ng kanyang bisikleta sa ikatlo at huling lap ng karera.
Si Warinothorn Phetpraphan ng Thailand ang nanalo ng ginto sa 1:04.35 oras, habang si Japanese rider Takaho Nakashima ang nag-uwi ng pilak sa 1:05.39 bilis.
Ang beteranong si Niño Surban ay sasalang pa sa Elite Cross Country para magkaroon ng posibilidad na madagdagan pa ang medalyang bibitbitin ng koponang ipinadala ng PhilCycling.
- Latest