6 stakes race sa Nov. at Dec.
MANILA, Philippines - Kasasabikan ang mga stakes races na itatayugod ng Philippine Racing Commission (Philracom) sa huling dalawang buwan sa taong 2014.
Anim na stakes races ang gagawin sa buwan ng Nobyembre at Disyembre at sinahugan ito ng P8.5 milyong kabuuang premyo para pasarapin ang bakbakan ng mga mahuhusay na kabayo.
Apat na karera ang gagawin sa bagong buwan at ito ay magsisimula sa pamamagitan ng Juvenile Fillies at Colts Stakes sa Nobyembre 15 at 16 sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Inilagay ang distansya sa 1,600-metro na sinahugan ng tig-P1.5 milyong premyo at ang mananalo ay maghahatid ng P900,000.00 sa may-ari nito.
Malalaman ang mga posibleng maglaban sa dalawang karerang ito sa Nobyembre 4 na siyang araw para sa nominasyon ng mga kabayo habang sa Nobyembre 10 ang pinal na deklarasyon ng mga sasali sa karera.
Sa Nobyembre 23 ay pupukaw ng atensyon ang mga matutuling kabayo sa Grand Sprint Championship sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Paglalabanan ang karera sa 1,200-metro distansya at may P1 milyong kabuuang gantimpala. Ang mananalo ay magkakamit ng P600,000.00 premyo.
Sa Nobyembre 11 ang nominasyon habang sa Nobyembre 16 ang deklarasyon.
Masisilayan naman ang Ambassador Eduardo Cojuangco Jr. Cup sa Nobyembre 30 sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite at ito ay paglalabanan sa 2,000-metro distansya.
Tumataginting na P2 milyon ang premyong paglalabanan at ang magwawagi ay kukubra ng P1.2 milyong premyo.
Sa Nobyembre 18 ang nominasyon habang sa Nobyembre 24 ay deklarasyon ng mga lahok.
Ang huling dalawang karera ng Philracom sa taong 2014 ay ang Grand Derby at Juvenile Championship sa Disyembre 21 at 28 sa San Lazaro Leisure Park at Santa Ana Park, ayon sa pagkakasunod.
Sa 2,000-metro gagawin ang Derby at ang magkakampeon ay may P600,000.00 gantimpala mula sa P1 milyong na paglalabanan habang P2.5 milyon ang total pot na pag-aagawan ng mga pinakamahuhusay na 2-year old horses sa isang milyang karera.
Bukod pa ang mga karerang ito sa gagawing MARHO Breeders’Cup sa Nobyembre 30, ang prestihiyosong PCSO Presidential Gold Cup at ang pakarera ng Philtobo sa Disyembre. (AT)
- Latest