Alakdan tinuklaw ang Thermal Break
MANILA, Philippines – Tinuklaw ng Alakdan ang naunang nagpasikat na Thermal Break para manalo sa 2YO Maiden Colts na ginanap noong Martes ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Si RO Niu Jr. ang nagdala sa Alakdan na naghabol ng halos tatlong dipang agwat sa naunang lumayo na Thermal Break sa pagdiskarte ni CS Pare Jr.
Ngunit sa 600-metro ng 1,400-metro karera ay humarurot ang Alakdan at mula sa labas ay inalpasan ang banderang kabayo para manguna na.
Sinikap ni Pare na second choice sa karerang naliyamado ang Alakdan, na pag-initin uli ang dala pero malakas pa ang nanalong kabayo tungo sa halos tatlong dipang tagumpay.
Kumabig ang mga kapanalig ng Alakdan ng P9.50 sa win habang ang 3-7 forecast ay may P20.50 dibidendo.
Lumabas na pinakaliyamadong kabayo na nanalo sa ikalawang gabi ng tatlong sunod na schedule ng karera sa bakuran ng Manila Jockey Club Inc. (MJCI) ay ang Valley Ridge sa 2YO Maiden Fillies sa 1,300-metro.
Tinalo ng kabayong sakay ni Fernando Raquel Jr. ang coupled entry na Dolce Ballerina sa pagdiskarte ni CV Garganta habang ang Wind Factor ni LT Cuadra Jr. ang siyang pumangatlo pero sa official forecast ay ang second choice na Wind Factor ang tumimbang.
Pinagtulungan ng magka-stable mate ang Wind Factor nang pagitnaan nila ito sa pagbubukas ng aparato.
Unang umalagwa ang Dolce Ballerina pero sa kalagitnaan ng karera ay humataw na ang naunang nalagay sa ikatlong puwesto na Valley Ridge.
Tila kinapos na ng hangin ang Wind Factor upang maiwan ang coupled entries na magtuos at nagpatuloy ang paglayo ng Valley Ridge tungo sa halos apat na dipa ang layo nang tumawid sa meta.
Balik-taya ang nangyari sa win (P5.00) habang ang 2-5 forecast ay naghatid ng P8.00 dibidendo.
Walong karera ang pinaglabanan sa gabi at ang iba pang nanalo ay ang Bruno’s Cut sa race three, West Dream sa race four, Heyday sa race five, Princess Nicole sa race six, Sangangdaan sa race seven at Kaiserslautern sa race eight.
Ang nakapanggulat sa gabing ito ay ang Bruno’s Cut na ginabayan ni Jonathan Hernandez sa class division 2 race.
Nalagay sa pang-anim sa alisan ang Bruno’s Cut habang umalagwa agad ang second favorite na Boss Jay sa pagbukas ng aparato
Paglapit ng far turn ay naghahabol na ang Bruno’s Cut na tumakbo kasama ang coupled entry na Bull Session.
Napuwesto pa ang kabayo sa balya para magkasabay-sabay ang pagdating ng Bruno’s Cut, Boss Jay at Handog.
Pero naunang nailusot ng Bruno’s Cut ang kanyang ulo bago nanaig ang Handog sa Boss Jay ng kalahating ulo sa kapana-panabik na pagtatapos.
Naghatid ang di inaasahang panalo ng Bruno’s Cut ng P53.50 habang ang 3-11 forecast ay may P109.00 dibidendo. (AT)
- Latest