Spurs ipinanalo ni Parker
SAN ANTONIO – Nagsalpak si Tony Parker ng isang mahalagang basket sa fourth quarter habang maganda ang inilaro ni Manu Ginobili at nagposte si Tim Duncan ng double-double.
Kumonekta si Parker ng go-ahead 3-pointer sa huling 1:07 minuto at sinimulan ng San Antonio Spurs ang kanilang title defense sa pamamagitan ng 101-100 panalo laban sa Dallas Mavericks.
Tumapos si Parker na may 23 points at nag-ambag si Ginobili ng 20 para sa San Antonio, tumipa ng 53 percent fieldgoal shooting.
Humakot naman si Duncan ng 14 points at 13 rebounds para sa kanyang pang-14th double-double sa isang season opener, ang pinakamarami na nagawa ng isang player sa NBA history, ayon sa Elias Sports.
Ibinigay ni Dirk Nowitzki sa Dallas ang 100-98 abante sa kanyang fadeaway jumper laban kay Boris Diaw sa 1:37 minuto, ngunit nagsalpak si Parker ng 3-pointer sa huling 30 segundo sa harap ng bench ng Mavericks.
Naglista si Parker ng 4-for-4 shooting sa long range na dumuplika sa kanyang career high sa 3-point sa isang laro.
“It was a great basketball game, you can’t kick off the season with a better game than this for the fans - there’s no way,’’ sabi ni Dallas coach Rick Carlisle. “Unfortunately, the slim margins of winning and losing are all that anybody remembers. If we get one more stop one more basket then we’re all here singing a different tune. That’s the world we live in the Western Conference.’’
Rockets diniskaril ang pagbabalik ni Bryant
Sa Los Angeles, nagposte si James Harden ng 32 points at humakot si Dwight Howard ng 13 points at 11 rebounds bago nakipagsigawan kay Kobe Bryant.
Diniskaril ng Houston Rockets ang pagbabalik ni Bryant sa Lakers sa kanilang 108-90 panalo kontra sa Lakers.
Minalas ang pagbabalik ni Bryant matapos mabalian ng kanang binti si Lakers rookie forward Julius Randle sa fourth quarter at inilabas sa court sa pamamagitan ng stretcher. Nakabanggaan ng seventh overall pick mula sa Kentucky ang dalawang Rockets players sa ilalim ng basket at masama ang kanyang pagkakabagsak.
Tumipa si Bryant ng 19 points sa kanyang unang laro sa Staples Center matapos di makalaro sa halos kabuuan ng nakaraang season dahil sa dalawang major injuries.
Davis nagbida sa panalo ng Pelicans
Sa New Orleans, sa pagkakasama ni 7-footer Omer Asik kay 6-10 All-Star Anthony Davis, kumpiyansa ang New Orleans Pelicans sa pagkakaroon nila ng malakas na frontcourt ngayong season.
At napatunayan nila ito sa kanilang opening night.
Nagtuwang sina Davis at Asik sa pinagsamang 40 points, 34 rebounds at 14 blocks para talunin ng New Orleans ang Orlando Magic, 101-84.
- Latest