Todo-bigay pa rin ang Systema
MANILA, Philippines – Kahit no-bearing game na ay hindi pa rin nagpabaya ang Systema Active Smashers sa laro laban sa Rizal Technological University Blue Thunders nang kanilang angkinin ang 25-14, 25-19, 25-22 panalo sa Shakey’s V-League Season 11 Third Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
May 14 puntos, 11 dito ay sa kills, si Christopher Antonio kahit sa unang dalawang sets lamang siya pinaglaro para pangunahan ang koponan sa kanilang ikaapat na panalo sa limang laro upang makatabla sa liderato ang pahingang Instituto Estetico Manila Volley Masters sa men’s division.
Wala nang halaga ang resulta ng larong ito sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng Shakey’s bukod sa ayuda ng Accel at Mikasa dahil selyado na ng Systema at IEM ang paghaharap sa finals bilang mga top two teams.
Ang IEM at Systema ay maghaharap sa pagtatapos ng elimination round bukas at ang mananalo ay magkaroon ng momentum papasok sa championship series.
Si Salvador Depante ay mayroong 11 hits habang si Sylvester Honrade ay may apat na blocks tungo sa anim na puntos.
Dominado ng Systema ang larong tumagal lamang ng 80 minuto dahil hawak nila ang 38-27 kalamangan sa attacks, may 10-6 bentahe sa blocks at 6-1 angat sa serve.
Binalikat ni Abdul Majid Jaidal ang laban ng collegiate team na RTU sa kanyang 8 attacks at 3 blocks tungo sa 11 puntos ngunit hindi ito sapat para tapusin ang kampanya sa liga sa 1-4 baraha.
Habang sinusulat ang balitang ito ay nag-lalaro pa ang PLDT Home Telpad at ang Phil. Army sa women’s action.
Naghahabol sa finals ang PLDT Turbo Boosters na hangad ang panalo na magbibigay sa kanila ng pag-asa sa ikalawa at huling finals berth.
Ang unang finals slot ay selyado na sa Army Lady Troopers bunga ng kanilang malinis na 5-0 record. (AT)
- Latest