NBA preseason games: Wolves nilapa ang Bulls
ST. LOUIS -- Hindi inisip ni Zach LaVine ang pagbabantay kay Derrick Rose.
Matapos magbida sa pagbangon ng Minnesota Timberwolves mula sa isang 13-point deficit, hindi naitago ng 19-anyos na rookie ang paghanga kay Rose.
“That dude’s good,” sabi ni LaVine makaraan ang 113-112 panalo ng Minnesota laban sa Chicago Bulls ni Rose. “It’s crazy, but in the game you can’t really be worried about it. That dude’s good.”
Naglaro si LaVine sa huling 6:14 minuto at umiskor ng 6 points sa nalalabing limang minuto.
Pinamunuan ni Rose ang Bulls (4-4) sa kanyang 27 points at 5 assists sa loob ng 32 minuto.
May kabuuang 57 points si Rose sa nakaraang dalawang preseason games para sa Chicago.
Nagposte naman si Ricky Rubio ng 19 points, 5 assists at 2 steals para pangunahan ang Minnesota (5-2).
Sa Houston, tinapos ng Rockets ang kanilang preseason sa pamamagitan ng isang solidong depensa laban sa San Antonio Spurs.
Tumipa si James Harden ng 25 points at umarangkada ang Houston bago ang halftime para talunin ang San Antonio, 96-87.
Nagtala si Harden ng malamyang 2-for-9 fieldgoal shooting sa first half para sa kanyang 5 points.
Kumamada si Harden ng 20 sa third quarter mula sa kanyang 7-for-10 shooting bago iupo sa final canto.
Sa iba pang laro, tinalo ng Dallas ang Orlando, 117-92; pinatumba ng Toronto ang New York, 83-80; giniba ng Miami ang Memphis, 104-98; ginitla ng Phoenix ang Utah, 105-100; pinadapa ng Sacramento ang LA Lakers, 93-92; pinahiya ng Golden State ang Denver, 119-112; at iginupo ng Portland ang LA Clippers, 99-89.
- Latest