Talk ‘N Text nakabawi
MANILA, Philippines - Bumangon ang Talk ‘N Text mula sa 20-point loss sa kanilang unang laro matapos kunin ang 22-point win laban sa NLEX.
Umiskor si Jay Washington ng 19 points, habang nag-ambag ng 18 si Kelly Williams at 15 si Jayson Castro para banderahan ang Tropang Texters sa 103-81 paglampaso sa Road Warriors sa 2014 PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nag-ambag si rookie Matt Ganuelas-Rosser ng 13 markers para sa pagbangon ng Talk ‘N Text mula sa 81-101 kabiguan sa Barangay Ginebra noong nakaraang Linggo.
“Maganda ang panalo namin ngayon. We’re hopefully getting adjusted to each other,” sabi ng bagong coach na si Jong Uichico sa Tropang Texters. “As practices go on, as games go on we keep on improving. Iyon naman talaga ‘yung goal namin.”
Kaagad lumayo ang Talk ‘N Text sa 28-12 sa 2:03 minuto ng first period bago makadikit ang NLEX sa 37-39 agwat galing sa three-point shot ni Aldrech Ramos sa pagbubukas ng third quarter.
Nagpakawala sina Washington, Williams, Castro at Ganuelas-Rosser ng 18-4 bomba para ibigay sa Tropang Texters ang 57-42 abante sa 6:35 minuto.
Kinuha ng Talk ‘N Text ang pinakamalaki nilang kalamangan sa 22 points, 79-57, mula sa basket ni Ranidel De Ocampo sa pagsisimula ng final canto.
Sapat na ang naturang bentahe para alisan ng pag-asa ang NLEX, nakakuha ng 2 points at 8 rebounds kay 6-foot-9 Fil-Tongan Asi Taulava sa first half.
Samantala, pag-aagawan ng Barangay Ginebra at ng Kia Motors ang 2-0 kartada sa kanilang paghaharap ngayong alas-5 ng hapon sa Lucena City.
Nagmula ang Gin Kings sa 101-81 panalo kontra sa Tropang Texters, habang inangkin ng Sorento ang 80-66 tagumpay laban sa Blackwater Elite.
Hindi makikita sa bench ng Kia si playing coach Manny Pacquiao na bumalik sa training camp sa Ge-neral Santos City. (RUSSELL CADAYONA)
Talk ‘N Text 103 - Washington 19, Williams 18, Castro 15, Ganuelas-Rosser 13, Carey 7, Fonacier 7, Reyes Ryan 5, Reyes Rob 5, Alas 4, De Ocampo 4, Labagala 2, Seigle 2, Aban 2, Espiritu 0.
NLEX 81 - Villanueva J. 19, Ramos 14, Cardona 13, Taulava 12, Villanueva 10, Canaleta 5, Borboran 3, Baloria 3, Apinan 2, Raymundo 0, Camson 0, Villarias 0, Arboleda W. 0, Arboleda H. 0.
Quarterscores: 28-15; 39-34; 75-55; 103-81.
- Latest