Fair Wind ipinanalo ni CM Pilapil
MANILA, Philippines - Kinapitalisa ni CM Pilapil ang pagbuka ng nasa unahang Empire Princess para maihatid ang Fair Wind sa panalo noong Martes ng gabi sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Dinikitan lamang ng Fair Wind ang unang umalagwang Empire Princess sa pagdadala ni SD Carmona hanggang sa pagpasok ng far turn sa 1,200-metro class division 1B karera.
Hindi agad naipihit ni Carmona ang dalang kabayo dahilan upang makaalpas ang nasa balyang Fair Wind. Mula rito ay nagtuluy-tuloy na ang paglayo ng nasabing kabayo tungo sa halos tatlong dipang panalo sa Empire Princess.
Galing sa magkasunod na panalo ang Fair Wind pero nadehado dahil mas mataas ang grupo ng nilahukan para makapaghatid pa ng P69.00 dibidendo.
Pumalo naman ang 4-8 forecast sa P169.00.
Mga paboritong kabayo ang lumutang sa ibang mga karerang pinaglabanan sa una sa dalawang sunod na pista sa ikatlong racing track sa bansa.
Ang lumabas bilang pinakaliyamadong kabayo na nagwagi sa gabing ito ay ang Lasting Rose sa Handicap Race 4 na ginawa rin sa 1,200-metro distansya.
Walang naging problema sa kabayong diniskartehan ni AR Villegas dahil dominado ng tambalan ang pitong kabayong karera.
Unang nakalundag palabas ng aparato ang Charm Away pero agad na inagaw ng Lasting Rose ang bandera sa karera.
Naghabol ang Lucky Dream at Role Model pero kondisyon ang nangungunang kabayo at nilayuan pa ang mga katunggali tungo sa solong pagtawid sa meta.
Sapat pa ang lakas ng Role Model ni Kevin Abobo para maungusan ng kalahating kabayo ang Lucky Dream ni RM Telles sa ikalawang puwesto.
Nagpamahagi pa ang win ng P5.50 habang ang 4-2 forecast ay mayroong P15.50.
Ang iba pang mga kabayo na nanalo ay ang Iwo Jima sa race one, Patricia’s Dream sa race 2, Mamang Sorbetero sa race 3, Kasilawan sa race 4, Roman Charm sa race 6 at Mud Slide Slim sa race 8. (AT)
- Latest