3 individual awards para kay Thompson
MANILA, Philippines – Hindi lamang isa kundi tatlong individual awards ang igagawad kay Earl Scottie Thompson sa Season 90 NCAA men’s basketball tournament.
Tampok na parangal na maiuuwi ng mahusay na guard ng Perpetual Help Altas ay ang Most Valuable Player Award na kanya na matapos lamang ang first round elimination.
Dalawang triple-double ang kanyang kinamada at ilang ulit na kinapos lamang ng isa o dalawang rebounds o assists para sana madagdagan ang double-digit outputs sa points, rebounds at assists.
Bunga ng ipinakitang husay sa guard spot, si Thompson ay nakasama sa Mythical team, habang ang kanyang galing sa pagdepensa ay nakatulong din para makapasok sa Best Defensive Team.
Ang kakamping si Harold Arboleda ay kasama ni Thompson sa Mythical Five bukod pa kina Ola Adeogun ng San Beda Red Lions, Bradwyn Ginto ng San Sebastian Stags at Jiovani Jalalon ng Arellano Chiefs.
Sina Adeogun at Guinto ay kasama ni Thompson sa Defensive Team kasama sina Abdul Abdul Wahab ng Jose Rizal University Heavy Bombers at Lyceum Pirates center Joseph Gabayni.
Makakamit nina Gabayni at Jalalon dahil ang una ang kinilala bilang Defensive Player of the Year at ang huli bilang Most Improved Player.
Matatanggap ang kanilang awards bago magsimula ang Game One ng NCAA Finals.
- Latest