Bulldogs o Tamaraws?
MANILA, Philippines - Ito na ang araw na pinakahihintay ng mga panatiko ng FEU Tamaraws at National University Bulldogs dahil malalaman na kung sino sa dalawang koponang ito ang kikilalaning hari ng UAAP Season 77 men’s basketball.
Ang Smart Araneta Coliseum ang pagdarausan ng klasikong pagtatagpo ng Tamaraws at Bulldogs na magsisimula sa ganap na ika-4 ng hapon.
Hangad ng FEU Tamaraws na palawigin ang kanilang 20 kampeonato sa liga habang misyon ng Bulldogs ang maitala ang ikalawang titulo pa lamang dahil noon pang 1954 sila huling nakatikim ng titulo.
Nakauna ang FEU sa 75-70 panalo pero buma-ngon ang Bulldogs sa mas matinding 67-42 tagumpay para maitakda ang winner-take-all match.
Isang linggo ang naging pahinga sa championship series kaya’t siguradong handang-handa na ang FEU at NU para ibigay ang kanilang pinakamagandang laro sa taon.
“Ang maganda ngayon, both teams ay may equal chances na manalo,” ani Tamaraws coach Nash Racela.
Kung line-up ang pagbabasehan, maituturo na paborito ang Tamaraws dahil beterano ang mga players nito tulad nina Mike Tolomia, Mac Belo, Anthony Hargrove, Roger Pogoy at Carl Cruz.
Pero kakapit ang tropa ni coach Eric Altamirano sa determinasyon ng Bulldogs na wakasan ang 60 taong paghihintay para makatikim uli ng korona sa liga.
“You have to throw everything out. We just have to come out prepared and ready to play,” ani Altamirano.
Sina Alfred Aroga, Gelo Alolino, Glenn Khobuntin, Jeth Rosario at Nico Javelona ang mga aasahan sa NU. Pero ang higit na nais na makita ni Altamirano ay ang ipinagmamalaking depensa para mapigil ang running game ng katunggali.
“Ang team na makakapag-impose ng kanilang laro ang siyang mananalo,” dagdag pa ni Altamirano. (AT)
- Latest