Back-to-back win asam ng Baste
MANILA, Philippines – Matapos wakasan ang 10-game lo-sing streak, nais ng San Sebastian Stags na masimulan ang paglista ng winning streak sa pagpapatuloy ng 90th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
No-bearing game na ito para sa bataan ni coach Topex Robinson dahil may 4-11 karta sila pero determinado ang koponan na magkaroon ng magandang pagtatapos sa liga.
Hindi naman inaasahang magiging problema ang misyon na ito dahil ka-laro nila ang Emilio Aguinaldo College Generals at siyang lalabas na nag-iisang seniors game na magsisimula sa ganap na ika-5 ng hapon.
Ito ay dahil hindi na lalaruin ng Mapua Cardinals ang asignatura laban sa Letran Knights na itinakda sa ganap na ika-11 ng umaga dahil hindi sila makakabuo ng limang manlalaro.
“Yes we will forfeit our game against Letran,” wika ni NCAA Management Committee member ng Mapua na si Melchor Divina.
Apat na manlalaro lamang ang natira sa Cardinals matapos patawan ng suspension ang walong players bunga ng rambulan sa laro laban sa Generals.
Nauna nang nag-forfeit ang Gene-rals kontra sa Perpetual Help Altas pero makakabuo na sila ng limang players para matuloy ang bakbakan kontra Baste.
Si Faustine Pascual ay magbabalik mula sa one-game suspension para samahan sina Jozhua General, Jerald Serrano, Christ Mejos at Ai Indin para sa Generals.
Kailangan lamang ng Generals na walang ma-foul out sa kanilang mga players dahil kung hindi ay agad na matatapos ang laban.
Asahan ang buong puwersa ng Stags sa pagdadala nina Jovit dela Cruz, Bradwyn Guinto at Jaymar Perez para magkaroon din ng momentum papasok sa huling dalawang laro.
Ang Perpetual Help Altas at Jose Rizal University Heavy Bombers ang huling dalawang asignatura ng Stags at magnanais sila na makapanilat sa dalawang ito na naghahabol pa ng puwesto sa Final Four. (AT)
- Latest