2014 World Cup of Pool Finland ang kalaban ng Phl duo
MANILA, Philippines - Dinurog nina Mika Immonen at Petri Makkonen ng Finland sina Karol Skowerski at Mateusz Sniegock ng Poland, 7-0 noong Biyernes para palakasin ang tsansa sa titulo ng 2014 World Cup of Pool na ginagawa sa Mountbatten Centre sa Portsmouth, Great Britain.
Lumabas sina Immonen at Makkonen bilang bukod-tanging koponan na kasali sa edisyong ito na hindi pa natatalo sa race-to-seven elimination.
Una nilang kinalos ang Korea sa 7-0 iskor para magkaroon ng matibay na sandalan sa pagbangga sa nagdedepensang kampeong sina Dennis Orcollo at Lee Vann Corteza ng Pilipinas sa second round.
Pakay nina Immonen at Makkonen na matikman ang ikalawang kampeonato matapos pagharian ang kompetisyong nilalahukan ng 31 bansa noong 2012 sa Finland.
Nakikita ng dalawang manlalaro na masusukat sila kina Orcollo at Corteza na umukit ng mahirap na panalo laban sa Chile at France sa parehong score na 7-5.
“Philippines are capable of switching gears at any time and we will expect them to play well tomorrow. We will have to match that level,” wika ni Immonen.
Ang mananalo sa larong ito na ginawa kagabi ay papasok sa semifinals kung saan kalaban ang magwawagi sa pagitan nina Earl Strickland at Shane Van Boening ng United States at Daren Appleton at Karl Boyes ng England A.
Ang kukumpleto sa quarterfinals matches ay China vs Austria at Germany vs Holland. (AT)
- Latest