Fernandez, Suarez pasok sa quarters
INCHEON, South Korea -- Patuloy na may aasa-hang medalya mula sa mga Pinoy boxers sa kasalukuyang 17th Asian Games dito.
Umusad sa quarterfinal round si Mario Fernandez nang bugbugin si Puran Raj ng Nepal para sa unanimous decision win, sa men’s bantamweight 56kg, sa Seonhak gym.
Nagtala si Fernandez ng iskor na 30-27 sa lahat ng tatlong judges.
Sunod na makakasagupa ni Fernandez si Shiva Thapa ng India sa quarterfinals sa Setyembre 30.
“Talagang pinaghandaan ko ang laban na ito at pinag-aralan ko siya, at siyempre nag-ingat talaga ako dahil magaling din siya,” pahayag ni Fernandez na unang sabak sa Asian Games.
Ang panalo ni Fernandez ay pambawi sa nalasap na kabiguan ni light welterweight Dennis Galvan kay Chinzorig Baatarsukh ng Mongolia, 0-3 sa huling laban noong Huwebes ng gabi.
Si Galvan ang unang nasibak sa 8-man boxing team na panlaban ng Pinas.
Lumapit naman ng isang hakbang para sa bronze medal si Charly Suarez na umukit ng split decision na panalo laban kay Akmil Kumar ng India, 2-1 na nagpasok sa kanya sa quarterfinals.
Tanging si flyweight Ian Clark Bautista ang Pinoy boxer na may laban ngayon sa pakikipagharap kay Sangdon Choe ng host country para sa quarterfinals berth.
Ang isa pang boxer na si Mark Anthony Barriga ay nasa round-of-16 na rin ng light flyweight class.
Sisimulan naman nina women’s boxer Josie Gabuco at Nesthy Petecio ang kani-kanilang kampanya sa pagsikwat ng medalya bukas.
Unang sasalang si Gabuco kontra kay Lyn Yu Ting ng Chinese Taipei sa alas-2 ng hapon sa wo-men’s flyweight 51kg habang si Petecio ay haharap kay Gulzhaina Ubbiniyazova ng Kazkahstan sa women’s lightweight 60-kg. (BRM)
- Latest