Mighty Zeus ipinanalo ni jockey M. Alvarez
MANILA, Philippines - Mahusay na ginabayan ni Mark Alvarez ang Mighty Zeus para pasayahin ang mga dehadista noong Martes ng gabi sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Ito ang ikaapat na patakbo ng kabayo sa buwan ng Setyembre pero ang naunang tatlong takbo ay sa pagdadala ni RR Camañero.
Sa 1,200-metro pinaglabanan ang karera na nilahukan ng walong kabayo at hindi nawala ang apat na taong grey horse sa unahan.
Ang Expecto Patronum sa pagdadala ni Dar de Ocampo ang nagdala ng liderato sa kaagahan ng karera habang nakasunod ang Diamond’s Gold at Mighty Zeus.
Sa far turn ay umuna na ang nanalong kabayo at kahit naghabol ang ibang kalahok ay sapat ang lakas ng tambalan para makuha ang tagumpay.
Nakaremate pa ang Wo Wo Duck ni JB Bacaycay para makumpleto ang datingan ng mga ‘di napaborang kalahok.
Ang win ng kabayong anak ng Deputy Bodman at Hear Me, ay may P43.50 habang ang paninilat ng Wo Wo Duck sa paboritong Diamond’s Gold ay may P998.00 dibidendo.
Nagpasikat din ang kabayong Makikiraan Po na hawak pa ng pamalit na hineteng si CV Garganta matapos pangunahan ang 1,000m Handicap Race-1.
Tinapos ng tambalan ang magkasunod na panlimang puwesto pagtatapos sa huling dalawang takbo sa pagdiskarte ni LT Cuadra.
May P36.00 ang ibinigay sa win habang ang pagsegunda ng Sugar Daddy para sa 6-7 forecast ay nagpasok ng P184.50.
Napangatawanan ng kabayong Captain Ball sa pagrenda ni Fernando Raquel Jr. ang pagtitiwala ng bayang karerista sa panalong nailista sa special class division race.
Ang Silver Champ ang pumangalawa upang ang 1-7 forecast ay may P14.50 na ipinamahagi matapos ang P6.00 sa win. (AT)
- Latest