UP Lady Maroons bumandera sa poomsae
MANILA, Philippines - Pinayukod ng University of the Philippines ang De La Salle University para sikwatin ang UAAP Season 77 poomsae crown ng taekwondo competitions noong Huwebes sa The Arena sa San Juan.
Nagtabla ang Lady Maroons at ang Lady Archers sa final medal tally sa magkatulad nilang 2 gold, 1 silver at 1 bronze medals ngunit nakamit ng Diliman-based jins ang ginto base sa mas mataas nilang point quotient sa kanilang .13 margin.
Nagkampeon sina Dustin Jacob Mella at Janna Oliva ng UP sa mixed pair sa kanilang iskor na 7.81 para ungusan ang De La Salle (7.73) at UST (7.69).
Nakipagtambalan naman si Oliva kina Anna Franchesca Torres at Cyrmyr Perlas para pagreynahan ang women’s team event sa kanilang 7.79 at talunin ang UST (7.70) at Far Eastern University (7.69)
Bumandera naman si Cebuana Rinna Babanto, ang gold medal winner noong 2013 World Poomsae Championships at sa 2014 World Taekwondo Hanmadang, para sa Lady Archers sa women’s individual poomsae sa kanyang iskor na 8.2 para talunin sina Juvenile Faye Crisostomo (8.12) ng Lady Tamaraws at Jocel Lyn Ninobla (8.10) ng Tigresses.
Ang pinagmulan din ng ginto ng La Salle ay mula kina Raphael Mella, Sidney Lopez at Justin Andal, na nagtala ng 7.75 sa men’s team poomsae.
- Latest