Papa Joe sa JRA-PRCI Trophy Race
MANILA, Philippines – Lakas sa rematehan ang ginamit ng kabayong Papa Joe para sungkitin ang kampeonato sa Japan Racing Association (JRA)-Philippine Racing Club Inc. (PRCI) Trophy Race noong Linggo sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Third choice lamang sa bentahan ang kabayong sakay ni GM Mejico sa 1,000-metro distansyang karera na nilahukan ng 11 kabayo at nanalo ito kahit nalagay sa ikaapat na puwesto sa rekta.
Ang Chelzeechelzechelz ni AG Avila na binigyan ng pinakamagaang peso na 49-kilos ang naliyamado at lumaban ito nang nakasabayan ang Westmister ni CP Henson sa pangunguna sa karera.
Ngunit pagpasok sa huling 75-metro ng karera ay bumuhos ang Papa Joe at mula sa labas ay tinuhog ang mga nasa unahan tu-ngo sa panalo.
Ikalawang sunod na panalo ito ng Papa Joe para ibigay sa horse owner na si Tony De Ubago Jr. ang P180,000.00 top prize mula sa P300,000.00 kabuuang premyo.
Ang Chelzeechelze-chelz ang nalagay sa ikalawang puwesto sa ikatlong sunod na pagkakataon para maibulsa ni Manny Atienza ang P67,500.00 bago sumunod ang Westminster at Black Fury ni RR De Leon.
Halagang P37,500.00 at P15,000.00 ang naibulsa ng pumangatlo at pumang-apat sa datingan.
Kumabig ang mga pumanig sa Papa Joe ang P53.50 dibidendo sa win habang ang 7-3 forecast ay mayroong P70.00.
Samantala, dalawang masuwerteng mananaya ang naging milyonaryo nang nasolo ang dibidendo sa ikalawa at ikatlong Winner-Take-All.
Naisama sa tinayaan ng masuwerteng mananaya ang Nine Dragon sa race 10 para makuha ang perpektong 7-of-7 sa 2nd WTA at nauwi ang P1,041,771.60 dibidendo.
Sinundan pa ito ng isa pang solo winner sa 3rd WTA nang makauna ang Beyong Good sa Race 13 para tamaan ang P1,080,631.40 dibidendo. (AT)
- Latest