Perpetual habol ang top 4
MANILA, Philippines – Puwesto sa top four ang nakataya sa Perpetual Help Altas sa pagharap sa nagpapasikat na Mapua Cardinals sa 90th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Ang natatanging laro sa seniors division ay magsisimula sa ganap na ika-4 ng hapon at sasaluhan ng Altas ang pahi-ngang St. Benilde Blazers (9-5) sa ikaapat na puwesto kung mananalo sa labanan.
“Kailangan naming manalo kung gusto naming manatiling palaban sa Final Four,” wika ni Altas coach Aric del Rosario na ngayon ay nasa ikalimang puwesto sa 8-5 karta.
Nakita ng Altas ang tatlong sunod na panalo na naputol sa 76-80 pagkatalo sa overtime sa Jose Rizal University Heavy Bombers noong Setyembre 5.
Dapat na kumamada uli sina Earl Scottie Thompson, Juneric Baloria at Harold Arboleda para lumakas ang tsansa na maulit ang 91-57 panalo sa Cardinals.
Talsik na ang Mapua sa kompetis-yon sa 3-10 baraha pero hindi puwedeng maliitin ang kapasidad ng tropa ni coach Fortunato Co na makasilat dahil galing sila sa magkasunod na panalo sa San Sebastian Stags (75-73) at Lyceum Pirates (85-76).
Ang tatlong panalo ay mas mataas na sa dalawang tagumpay na nakuha ng koponan noong nakaraang taon. Pero hindi makokontento ang Cardinals sa bagay na ito dahil ginagamit na ng koponan ang nalalabing limang laro bilang bahagi ng paghahanda para sa susunod na edisyon.
Sina Leo Gabo at CJ Isit ay nakikitaan ng magandang laro upang may makatuwang ang beteranong si Joseph Eriobu para magkaroon pa ng liwanag sa hangaring magandang pagtatapos ang muling bigong kampanya ng Cardinals sa liga. (AT)
- Latest