UE dinomina ang FEU
MANILA, Philippines - Nagpasabog ng 21-0 bomba ang UE Red Warriors sa huling yugto para pasiklabin ang 94-71 pagdurog sa FEU Tamaraws sa 77th UAAP men’s basketball kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Binuksan ni Carl Cruz ang huling yugto sa pamamagitan ng 3-pointer para magtabla ang magkabilang koponan sa 64-all pero ang pangyayari ay nagpalabas ng nakatagong init ng Warriors tungo sa dominanteng panalo at palakasin pa ang paghahabol ng puwesto sa Final Four sa 7-5 baraha.
Si Pedrito Galanza ay gumawa ng career-high na 26 puntos, si Charles Mammie ay may 18 puntos na ginawa lahat sa second half habang ang nagbabalik mula sa one-game suspension na si Roi Sumang ay kinana ang lahat ng kanyang siyam na puntos sa huling 10 minuto ng labanan para tapusin din ng Warriors ang limang taon na hindi nananalo sa Tamaraws sa liga. Noon pang Setyembre 24, 2009 sa pamumuno ni Paul Lee huling nanaig ang UE sa FEU sa 78-72 iskor.
“The boys showed their guts today,” papuri ni UE coach Derrick Pumaren na kailangang maipanalo ang huling dalawang laro kontra sa La Salle Green Archers at UST Tigers para makahirit ng playoff para sa huling upuan sa Final Four.
Binigyan lamang ng limang minuto sa first half, si Sumang ay nagpakawala ng 3-pointer bago nasundan ng jumper ni Chris Javier para sa 69-64 bentahe.
Isang free throws ang ginawa ni Raymar Jose bago nagtulong uli sina Galanza, Mammie at Sumang sa 21-0 bomba tungo sa 25-puntos kalamangan, 90-65 sa huling 2:46 ng labanan.
May 16 at 10 puntos sina Mark Belo at Archie Iñigo para sa FEU na nakitang nagwakas ang pitong sunod na panalo kahit nagbalik sa bench si coach Nash Racela para makatabla sa unang puwesto ang pahi-ngang Ateneo sa 10-3 karta.
Naunang pinataob ng National University Bulldogs ang UP Maroons, 66-51 para kumapit pa sa mahalagang ikaapat na puwesto sa 8-4 baraha.
Isinantabi ni Alfred Aroga ang back spasm sa naihatid na 18 puntos, 10 rebounds at 3 blocks para tuluyan na ring patalsikin ang UST sa kontensiyon.
Kailangan ng koponan ni coach Eric Altamirano na maipanalo ang nalalabing dalawang laro laban sa Tigers at Archers para makaiwas sa playoff tungo sa pag-abante sa semifinals.
- Latest