La Salle kontra UST sa Finals ng beach volley
MANILA, Philippines - Itinakda ng De La Salle University ang kanilang women’s championship showdown ng University of Santo Tomas matapos patalsikin ng tambalan nina Kim Fajardo at Cyd Demecillo ang Adamson University, 21-11, 21-14, sa UAAP Season 77 beach volleyball tournament kahapon sa UE Caloocan sand court.
Nagpilit sina Amanda Villanueva at Marleen Cortel na ihatid sa tagumpay ang Lady Falcons, ngunit mas nangibabaw ang attacking game at combination plays nina Fajardo at Demecillo para sa Lady Spikers.
Lalabanan ng La Salle tandem sina rookie Cherry Rondina at Rica Rivera ng UST para sa Finals bukas sa ganap na alas-9:30 ng umaga.
Bitbit ng España-based spikers ang ‘thrice-to-beat’ advantage matapos walisin ang kanilang seven-game eliminations.
Hangad ng Tigresses ang kanilang ikatlong korona na papantay sa Lady Falcons.
Puntirya ng Lady Spikers ang kanilang kauna-unahang titulo sa sand court.
Nauna nang sinibak ng Lady Falcons ang Far Eastern University Lady Tams, 21-13, 21-15, sa unang stepladder match.
Sa men’s class, inayos ng UST at ng National University ang kanilang Finals rematch matapos manaig sa kanilang mga laro sa Final Four.
- Latest