Kabayong Rio Grande nakatikim ng panalo
MANILA, Philippines - Tinapos ng Rio Grande ang dalawang sunod na pangalawang puwestong pagtatapos nang pangatawanan ang pagiging liyamado sa nilahukang karera noong Miyerkules sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Si CM Pilapil ang dumiskarte sa dalawang taong colt na may lahing Self Feeder at Spanish Rivera at walang naging problema ang tambalan sa pagsungkit ng panalo nang nagbanderang tapos ito sa 1,000-meter race.
Ang tagisan ay sa 2YO Maiden A-B at naghabol lamang nang naghabol ang Wafu The King para malagay sa pangalawang puwesto.
Ito ang ikalawang pagdiskarte ni Pilapil sa kabayo sa huling tatlong takbo at balik-taya ang nangyari sa win (P5.00) habang ang napaborang 1-6 kumbinasyon sa forecast ay may P7.50 dibidendo.
Kumubra rin ng panalo ang Borj Kahlifa nang makitaan ng lakas sa pagremate ang apat na taong colt sa pagdadala ni Fernando Raquel Jr.
Naunang nagdomina ang Pinas Paraiso sa pagdadala ni JPA Guce at nasa ikalimang puwesto sa alisan ang patok na kabayo.
Sa far turn, uminit na ang Borj Kahlifa at mula sa labas ay tinuhog ang mga nasa unahan kasama ang Pinas Paraiso na natalo ng isang dipa sa meta.
Tinapos ng panalo ang dalawang sunod na tersera puwestong pagtatapos ng Borj Kahlifa para maghatid ng P6.50 sa win at ang 4-3 forecast ay may P29.00 dibidendo.
Ang long shot sa gabi ay ang Real Pogi na nagkampeon sa class division 1-A race sa 1,300-meter race.
Hindi napaboran ang kabayong dala ni Dominador Borbe Jr. dahil nanggaling ang tambalan sa magkasunod na ikapitong puwestong pagtatapos.
Pero kondisyon ang kabayo at inabutan sa meta ang tila mananalo nang Tarzan Maximus sa pagdadala ni IA Aguila at naghangad na makuha ang ikalawang tagumpay sa huling tatlong takbo.
Pumalo sa P45.50 ang win habang ang 7-6 forecast ay may P87.50 dibidendo. (AT)
- Latest