Hosting ng FIBA World Cup pagpupursigihan ng SBP
SEVILLE -- Sinabi ni PLDT chairman/SBP president Manny V. Pangi-linan na magpupursige ang Pilipinas para sa hangaring mapamahalaan ang 2019 FIBA World Cup mula sa magandang ipinapakita ng Gilas sa global tournament dito.
Natalo ang Nationals sa kanilang tatlong laro ngunit lumaban sila nang husto hanggang sa huling yugto ng laro.
Binuksan ng Gilas ang kompetisyon mula sa 81-78 overtime loss sa Croatia sa Palacio Municipal de Deportes noong Sabado bago natalo sa Greece, 82-70, noong Linggo at isuko ang 85-81 kabiguan sa Argentina noong Lunes.
Ang Croatia ang No. 16 sa itaas ng No. 5 Greece at No. 3 Argentina sa FIBA ladder.
Hindi naman nasasalamin sa dikitang kabiguan ng Gilas ang kanilang pagiging No. 34.
Dadalo sina SBP executive director Sonny Barrios, SBP deputy executive director Butch Antonio at logistics director Andrew Teh sa isang briefing ng bidding ng mga bansa sa Setyembre 12-15 sa Madrid.
Ang tentative list ng mga bidders ay ang Germany at France bilang joint hosts, isang consortium na binubuo ng Estonia, Finland, Latvia at Lithuania, Puerto Rico, Venezuela, Brazil at China.
Sa Nobyembre ay ilalabas ng FIBA ang kumpirmadong listahan ng candidate countries.
Sa Disyembre ay magpupulong ang mga kinatawan ng bidding nations sa Geneva para sa isang workshop.
Ang pag-iinspeksyon sa facilities on-site ay gagawin sa Enero at Pebrero ng susunod na taon.
Isusumite ng mga candidates ang kanilang final reports sa Abril kasunod ang paghahayag ng FIBA Central Board ng winning bidder.
Sa 2019 FIBA World Cup ay palalakihin sa 32 ang mga participating countries mula sa dating bilang na 24 kung saan ang Asia/Oceania ay may pitong slot, ang Europe ay may 12, ang Americas ay may pito, ang Africa at ang host ay may lima.
Ang qualification ay dalawang taong proseso na anim na home-and-away games sa November, February, June, September, November at February.
Ang schedule ay iuurong sa 2019, limang taon mula ngayon para hindi suma-bay sa ibang malalaking sporting events na ginagawa rin tuwing ikaapat na taon.
“We are strongly making a push to host the next World Cup,” sabi ni Pangilinan. “I think it’s helping our bid that we’re competitive in this year’s World Cup.”
- Latest