Dinomina ng Malaya ang Lakambini Stakes Race
MANILA, Philippines - Pinangatawanan ng Malaya ang pagiging paborito sa 2014 Philracom Lakambini Stakes Race nang dominahin ang limang kabayong karera kahapon sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.,
Si Jonathan Hernandez ang sumakay sa tatlong taong gulang na kabayo na pag-aari ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos at naisantabi ng tambalan ang hamon ng second choice Marinx sa 1,800-metro karera.
Naorasan ang Malaya na isang Hopeful Stakes winner ng 1:49 sa kuwartos na 13’, 24, 23’, 23 at 25’ para maibulsa rin ang P720,000.00 unang gantimpala mula sa P1.2 milyong premyo na handog ng Philippine Racing Commission.
Naunang nagdomina ang Real Lady sa paggiya ni Jeff Zarate pero nakatutok na ang Malaya at Marinx sa pagdadala ni JB Guce.
Sa kalagitnaan ng karera ay kinuha na ng Malaya ang bandera, habang kinargahan na rin ni Guce ang Marinx para sa matinding rematehan.
Pero hindi nangyari ito dahil walang puwang ang Marinx na makauna dahil buo na dumating ang Malaya na nanalong halos tatlong dipang agwat.
Ang P270,000.00 ang natanggap ng Marinx na pag-aari ni Mayor Leonardo ‘Sandy’ Javier, Jr., habang ang Real Lady ang pumangatlo at sunod na tumawid ang Morning Time ni CV Garganta.
May pakonsuwelong P150,000.00 at P60,000.00 ang pumangatlo at pumang-apat sa datingan.
Hindi naman tumapos ang Misty Blue sa pagdadala ni Kevin Abobo.
Ang karerang ito ay bukas para sa mga fillies lamang para kilalanin bilang pinakamahusay sa dibisyong ito sa taon ang Malaya.
- Latest