Army wawalisin ang Cagayan para angkinin ang korona
LARO NGAYON
(The Arena, San Juan)
12:45 p.m.- PLDT vs Air Force
2:45 p.m.- Army vs Cagayan Valley
MANILA, Philippines - Hindi na pakakawalan ng Lady Troopers ang pagkakataon nilang muling magreyna sa Shakey’s V-League.
Pipilitin ng Philippine Army na walisin ang nagdedepensa sa koronang Cagayan Valley ngayong alas-2:45 ng hapon sa Game Two ng kanilang best-of-three championship series sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference sa The Arena sa San Juan City.
Nauna nang kinuha ng Lady Troopers ang 25-19, 18-25, 25-18, 25-5 panalo sa Game One noong Huwebes para sa kanilang 1-0 abante sa serye.
Nagkampeon ang Army sa Season 8 noong 2011.
Kung mananalo ang Cagayan at maitatabla ang serye ay idaraos ang Game Three sa Setyembre 7 sa nasabi ring venue.
“Gusto na naming tapusin ito (serye) kasi maglalaro din kami sa AFP Olympics,” sabi ni coach Rico De Guzman.
Ang Lady Troopers ang magdedepensa ng korona sa AFP Olympics.
Hindi naman nawawalan ng pag-asa si Cagayan mentor Nes Pamilar na maitatabla nila ang serye.
Si Nes Pamilar ang gumiya sa Rising Suns sa 16-sweep para angkinin ang korona noong nakaraang season.
Muling ibabandera ng Army sina Open Conference Most Valuable Player Rachel Ann Daquis, Jovelyn Gonzaga, MJ Balse, Nerissa Bautista at veteran playmaker Tina Salak.
Itatapat naman ng Cagayan sina Aiza Maizo, Angeli Tabaquero, Janine Marciano, Pau Soriano, Rosemarie Vargas, Wenneth Eulalio, Gyzele Sy, Joy Benito, Relea Saet at dating Adamson star Shiela Pineda.
Sa unang laro sa alas-12:45 ng tanghali ay pipilitin ng Air Force na walisin ang PLDT Home Telpad para sa third place trophy.
- Latest