Kabayong Swim Event nakapanggulat
MANILA, Philippines - Nanggulat ang dehadong kabayo na Swim Event noong Huwebes ng gabi nang magwagi ito sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Ang apat na taong colt na hawak ni Jessie Guce ay hindi bumitaw sa unang grupo bago humarurot sa huling 150-metro ng 1,200-metro tagisan sa hanay ng mga kabayong nasa class division 1C.
Anak ng Yes Boss sa Breastroke, hindi humakot sa benta ang kabayo dahil hindi tumimbang sa mga huling mga takbo. Galing pa ang kabayo sa pang-pitong puwesto noong Agosto 23 sa pagdadala ni John Alvin Guce na pansamantalang humalili kay JB Guce na siyang regular na hinete ng kabayo.
Nanguna sa kaagahan ng karera ang Temptress bago sumunod ang Swim Event at Board Walk.
Hanggang sa huling kurba ganito ang puwestuhan ng mga kabayo bago sinimulan ni Guce na ilayo ang kanyang kabayo.
Ang Victory Cross na galing sa pangalawang puwestong pagtatapos sa huling takbo sa ilalim ni jockey EP Nahilat at napaboran sa pitong naglaban ay hindi pinalad na tumimbang.
Nakasingit pa ang isa pang dehadong Frontier Boy ni RM Telles para matuwa ang mga dehadista dahil kumabig ang tumaya sa 4-1 forecast ng P3,188.50 matapos ang P96.50 dibidendo sa win.
Ang di inaasahang panalo ng Swim Event ay nagresulta rin sa pagkamal ng milyon pisong dibidendo ng dalawang mananaya na nagkaroon ng live tickets matapos ang walong karerang pinaglabanan.
Umabot sa P3,520,540.00 ang taya sa Winner Take All at nagkaroon pa ng P1,140,655.00 dibidendo nang makuha ang kumbinasyong 7-6-2-4-3-6-4.
Lumabas bilang pinakaliyamado sa gabing ito ay ang Tap Dance na pinamunuan ang class division 4 race na inilagay sa 1,300-metro distansya.
Si Pat Dilema ang dumiskarte sa pagkakataong ito sa nasabing kabayo at naibigay niya ang ikalawang panalo sa huling apat na takbo ng Tap Dance.
Ang Golden Class sa pagdiskarte ni AM Basilio ang pumangalawa sa datingan para makumpleto ang 1-2 pagtatapos ng dalawang pinaniwalang mananalo sa karerang ito.
Balik-taya ang nangyari sa win (P5.00) habang P7.00 ang ibinigay sa 5-3 forecast. (AT)
- Latest