Lumakas ang tsansa ng Altas at Blazers
MANILA, Philippines - Nakitaan ng katatagan sa huli ang Perpetual Help Altas at St. Benilde Blazers para manalo sa kanilang mga laban sa 90th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Bumanat ng double-double na 16 puntos at 13 rebounds ang nangunguna sa MVP race na si Earl Scottie Thompson habang ang magandang depensa sa huling anim na segundo ang nagsantabi sa krusyal na opensa ng Letran Knights para sa 67-64 panalo.
Ang free throws ni Thompson ang nagbigay sa Altas ng 66-63 kalamangan at matapos ang palitan ng splits nina Reneford Ruaya at Juneric Baloria ay nabalik sa Knights ang bola.
Pero hindi nakalusot si Rey Nambatac na napilitang ipukol ang wala sa pormang 3-pointer na sumablay.
Si Baloria ay mayroong 18 puntos habang sina Harold Arboleda at Joel Jolangcob ay naghatid pa ng tig-10 puntos upang umangat ang Altas sa 7-4 karta.
“Malaking tulong sa panalo ang pagbagal namin sa takbo ng laro dahil malakas ang Letran sa transition game,” wika ni Perpetual Help coach Aric del Rosario.
Gumawa naman si Paolo Taha ng 26 puntos sa 8-of-16 shooting, bukod sa siyam na rebounds para itulak ang St. Benilde Blazers sa 74-66 panalo laban sa Lyceum Pirates sa isa pang laro.
Tabla ang iskor sa 66-66 nang makaiskor sa ilalim si Roberto Bartolo. Nabitiwan ni Jeremiah Taladua ang bola bago pumukol ng 15-footer si Taha. Sumablay ang Pirates sa apat na opensiba habang sina Bartolo, Mike Romero at Luis Sinco ay nagtulong sa apat pang puntos para sa pinal na iskor ng laro.
Nakasalo uli ang Blazers sa mahalagang ikatlong puwesto sa Altas habang ang Pirates ay lumasap ng ikaanim na pagkatalo laban sa limang panalo at may 4-7 baraha ang Knights na naputol ang kanilang two-game winning run. (AT)
Perpetual Help 67- Baloria 18, Thompson 16, Arboleda 10, Jolangcob 10, Alano 8, Dagangon 5, Tamayo 0, Gallardo 0, Sadiwa 0, Lucente 0.
Letran 64- Racal 18, Cruz 16, Tambeling 8, Nambatac 8, Gabawan 5, Luib 3, Quinto 3, Publico 2, Ruaya 1, Apreku 0, Singontiko 0.
Quarterscores: 16-21; 38-37; 59-51; 67-64.
ST. BENILDE 74 - Taha 26, Romero 18, Grey 13, Sinco 4, Jonson 3, Bartolo 3, Ongtenco 3, Nayve 2, Saavedra 2, Pajarillaga 0, Altamirano 0.
Lyceum 66 - Baltazar 17, Mbbida 15, Gabayni 11, Taladua 8, Zamora 6, Bulawan 4, Lesmoras 3, Malabanan 2, Maconocido 0.
Quarters: 22-28; 36-38; 55-54; 74-66.
- Latest