San Beda, Arellano target ang 9th win
MANILA, Philippines - Pagbabalakan ngayon ng four-time defending champion na San Beda Red Lions at Arellano Chiefs na makaulit ng panalo sa San Sebastian Stags at Mapua Cardinals sa 90th NCAA men’s basketball tournament ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Ang makukuhang panalo ng Red Lions at Chiefs ang magiging ika-siyam matapos ang 11 laro.
Sakaling mangyari ito para sa Arellano ay maililista nila ang pinakamataas na panalo sapul nang sumali sa liga.
Ang dating pinakamataas ay walo na nakuha noong nakaraang taon.
Tampok na laro ang bakbakan ng Arellano at Mapua Cardinals na siyang nangungulelat na koponan sa 1-9 baraha.
Tumipa ang tropa ni coach Jerry Codiñera ng 68-63 panalo sa Cardinals sa unang pagtutuos at sasandal uli siya sa magandang pagtutulungan nina Jiovani Jalalon, John Pinto at Keith Agovida para manatiling nasa unahan.
Wala ring nakikitang problema sa puntiryang panalo ng tropa ni coach Boyet Fernandez sa Stags na kanilang dinurog sa unang pagtutuos, 75-56.
Samantala, ang co-captain ng Letran Knights na si Mark Cruz ang ginawaran ng ACCEL Quantum-3XVI NCAA Press Corps Player of the Week citation.
Ito ay dahil sa kanyang pagbibida sa 84-77 overtime win laban sa host Jose Rizal University Heavy Bombers.
Tumapos si Cruz bitbit ang career-high na 26 points at 10 rito ay ginawa sa overtime para maging palaban sa semifinals ang Letran sa kanilang 4-6 baraha.
Sina Perpetual Help Altas rookie Gabriel Dagangon at St. Benilde Blazers guard Paolo Taha ang iba pang ikinunsidera sa lingguhang citation.
- Latest