Moreno tumudla ng gold sa Youth Olympics
NANJING – Tinudla ni Filipino archer Gabriel Luis Moreno ang unang gintong medalya ng Pilipinas sa Youth Olympic Games.
Nakipagtambal si Moreno, No. 30 sa hanay ng 32 male archers, kay Chinese archer Li Jiaman, No. 3 sa women’s side, para angkinin ang ginto sa mixed team event.
Ito ang unang gold medal ng bansa sa Youth Olympics para sa mga atletang may edad 14 hanggang 18-anyos.
Sa inaugural staging noong 2010 sa Singapore ay walang nakuhang medalya ang bansa.
Ayon kay Moreno, ang flag-bearer ng Philippine delegation sa YOG at apo ni talk show host German Moreno, hindi niya inaasahang mananalo siya ng medalya sa event na nilahukan ng higit sa 3,000 atleta mula sa 202 Olympic nations.
“I didn’t expect to win anything here. I just gave my best,” wika ni Moreno.
Muntik hindi mapasama si Moreno sa quarterfinals nang umalis sa Fangshan Archery Field kasama ang kanyang pamilya para magtanghalian matapos ang morning session.
Nang magbalik sila sa venue ng alas-2:30 ng hapon ay oras na niya para tumudla.
Sa finals ay binigo nina Moreno at Jiaman sina Muhammad Zoklepeli ng Malaysia at Cynthia Freywald ng Germany, 6-0 (38-37, 38-35, 37-33).
- Latest