Sta. Maria nagtala ng bagong record; San Beda patuloy ang pamamayagpag
MANILA, Philippines - Nagposte ng mga bagong record si La Salle-Greenhills tanker Rafael Sta. Maria at patuloy naman sa pagratsada ang San Beda sa Day 2 ng 90th NCAA swimming competition kahapon sa Rizal Memorial Pool.
Binasag ni Sta. Maria ang mga league marks sa 50-meter at 200-m freestyle at sa 50-m butterfly at pinangunahan ang 400-m freestyle relay team kasama sina Andrae Pogiongko, Miguel Barlisan at Mark Ropmiquit para sa isa na namang record-breaking feat.
Ngunit ang three-day race, inorganisa ni Peter Cayco ng Arellano University, ay patuloy na dinodomina ng San Beda na namumuno sa juniors, men’s at women’s divisions.
Pinangunahan ni Wilfredo Sunglao, Jr. ang arangkada ng Sea Lion sa men’s side sa kanyang pagsira sa record sa 200-m free matapos magtala ng isang minuto at 59.85 segundo na bumasag sa 2:00.70 na kanyang inilista sa morning heats.
Sinira naman ni Frances May Cabrera ng San Beda ang marka sa women’s 200-m freestyle mark sa kanyang bagong oras na 2:18.59 para tabunan ang dati niyang 2:19.24 noong 2013.
Bumabandera ang San Beda sa men’s division sa kanilang 452 points kasunod ang College of St. Benilde (176).
Ang women’s team ng San Beda ay nagposte ng 407 points para manguna kasunod ang St. Benilde (229).
Ang juniors crown ay inaasahang pag-aagawan ng San Beda (333) at La Salle-Greenhills (294).
Hangad ng San Beda ang kanilang ika-13 sunod na men’s championship at pang-17 sa kabuuan, habang target ng La Salle-Greenhills ang kanilang ika-11 dikit na high school title at pang-17 sa kabuuan.
- Latest