Nagbunga ang lahat ng ginawa ni RSA, PBAPC Awards Night
MANILA, Philippines - Ang tao na responsable sa tagumpay ng Grand Slam champion San Mig Super Coffee sa nakaraang 39th PBA season ay pararangalan bilang Executive of the Year award sa 2014 PBA Press Corps Annual Awards Night bukas sa Richmond Hotel sa Eastwood City, Libis, Quezon City.
Tatanggapin ni Ramon S. Ang, ang president at chief operating officer ng San Miguel Corporation, ang nasabing award na ipinangalan kay Danny Floro, may-ari ng two-time Grand Slam champion na Crispa Redmanizers.
Ang San Mig Super Coffee Mixers, kasama ang San Miguel Beermen at Barangay Ginebra San Miguel Kings ay nasa ilalim ng SMC corporate umbrella.
Si Mr. Ang, kilala sa kanyang acronym na RSA ay nasa likod ng agresibong pagbabago sa coach at palitan ng mga players sa mga koponan ng SMC.
At ang resulta nito ay ang pagwalis ng Mixers sa tatlong komperensya sa nakaraang season.
Sa kanyang lamesa sa SMC building kung saan niya pinapalakad ang mga malalaking business inte-rests ng korporasyon, binabalangkas din ni RSA ang direksyon ng kanyang mga PBA teams para lalo pang mapaganda ang kanilang imahe sa milyung-milyong fans ng PBA.
Tatayo namang guest of honor at speakers sina cage greats Fortunato ‘Atoy’ Co at Bogs Adornado kasama si Alaska team manager Dickie Bachmann sa kanilang pagkukuwento ng pagkumpleto sa three-conference sweep sa isang season sa naturang espesyal na okasyon na may temang ‘There Are Champions…and There Are Grand Slam Champions!’
Si Co ang isa sa mga top guns ng Crispa Redmanizers team na nakakuha ng dalawang Grand Slams sa PBA history matapos noong 1976 sa ilalim ni legendary coach Virgilio ‘The Maestro’ Dalupan at noong 1983 sa paggiya ni Tommy Manotoc.
Ang tatlo ang makakasama ng PBAPC pagkilala sa mga personalidad na nangibabaw sa nakaraang 39th season kasama ang mananalo ng Coach of the Year.
- Latest