Kanya-kanyang paghahabol
MANILA, Philippines - Mga koponang nasa ilalim ng standings ang magtatangkang bigyan ang kanilang team ng magandang simula sa pagbubukas ng second round ng eliminations ng 77th UAAP men’s basketball ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Sa ganap na ika-2 ng hapon ang tagisan at balak ng UST Tigers na putulin ang tatlong sunod na kabiguan na sanhi ng kanilang 3-4 baraha para makasalo ang host UE Warriors na makakaharap ang UP Maroons sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon.
Hindi nakatikim ng panalo ang Falcons sa first round pero binibigyan ng tsansa na makasilat lalo pa’t ang unang pagkikita ng dalawang koponan ay nauwi sa dikitang 50-49 panalo para sa Tigers.
Inaasahang babalik na ang pambato ng UST na si Karim Abdul matapos lumiban sa laro laban sa Warriors bunga ng viral infection.
Pihadong tataas pa ang larong ipinakikita ni Aljon Mariano at Kevin Ferrer pero dapat na mas maging produktibo ang iba pang beterano tulad nina Louie Vigil, Kent Lao at Ed Daquioag para hindi makalayo ang FEU Tamaraws, nagdedepensang kampeon La Salle Archers at National University Bulldogs na magkakasalo sa ikalawang puwesto sa 5-2 baraha.
Sasandalan ng UE ang nakaraang 72-62 panalo sa UST para mapantayan ang pinakamahabang winning streak sa liga sa taon.
Buwenamanong pana-lo na nakuha ng Red Warriors ay laban sa Maroons, 87-59, ngunit hindi puwedeng ipagsawalang-bahala ang labang kayang ibigay ng UP matapos wakasan ang 27-game losing streak sa pamamagitan ng 77-66 pananaig sa Adamson.
Ang nangunguna sa liga na Ateneo Blue Eagles ay magsisimula ng kampan-ya sa second round bukas laban sa karibal na La Salle.
Nais ng Eagles na maulit ang 97-86 panalo sa first round para maiangat ang karta sa 7-1.
- Latest