41st World Chess Olympiad, Produktibong araw para sa mga Pinoy
MANILA, Philippines - Bumawi ang Philippines nang pasadsarin ng men’s team ang Pakistan, 3-1 at igupo ng women’s squad ang Costa Rica, 3.5-0.5, upang iangat ang kanilang ranking patungo sa huling dalawang rounds ng 41st Chess Olympiad sa Tromso, Norway nitong Lunes.
Nagdeliber sina Grandmasters John Paul Gomez at Jayson Gonzales ng mga match-clinching victories sa second at fourth boards laban kina International Master Shahzad Mirza at untitled Mudasir Iqbal, ayon sa pagkakasunod.
Sina GM Julio Catalino Sadorra at Paul Bersamina na naglaro sa board 3 para makapagpahinga ang 62-gulang na si GM Eugene Torre ay naka-draw kina IM Mahmood Lodhi at Ali Ahmad Syed para iselyo ang tagumpay.
Sumandal naman ang mga Pinay sa panalo nina Janelle Mae Frayna, Catherine Perena at Christy Lamiel Bernales laban kina Olga Leticia Gamboa Alvarado, Lisseth Acevedo Mendez at Maria Jose Ramirez Gonzalez sa Board 1, 3 at 4 tungo sa kanilang tagumpay.
Nagkasya naman si Jan Jodilyn Fronda sa draw matapos ang 73-move ng Sicilian Defense.
Ngunit ang araw ay para kay Gonzales, na nakatikim ng kanyang unang panalo sa Olympiad matapos ang mahabang panahon sa kanyang 34-move win sa larong Benoni duel.
Napilitang lumaro si Gonzales, ang men’s at women’s team captain. Lumamang siya ng isang pawn at nakapuwesto ng maganda ang kanyang dalawang bishops tungo sa kanyang tagumpay.
Nakabawi naman si Gomez sa kanyang sunud-sunod na kamalasan.
Sinuwerte rin si Gomez na nabigyan ng wildcard slot sa all-expenses paid trip sa Qatar Masters na gaganapin sa Nov. 25-Dec. 5 kung saan mapapalaban siya kontra sa mga world’s best tulad nina Shakhriya Mamedyarov, Pentala Harikrishna, Etienne Bacrot at Alexei Shirov.
- Latest