41st World Chess Olympiad Pinoy naka-draw sa Bangladesh, women’s team bigo sa Mongolia
MANILA, Philippines - Tinapos ng Philippine men’s team ang kanilang dalawang sunod na kamalasan matapos maka-draw sa all-Grandmaster Bangladesh squad, 2-2, habang yumukod ang women’s squad sa Mongolia, 1-3, sa 41st Chess Olympiad sa Tromso, Norway nitong Linggo.
Humirit ng draw si GM Julio Catalino Sadorra kay GM Ziaur Rahman sa 22 moves ng Larsen Opening para takpan ang kabiguan ni GM Eugene Torre kay GM Enamukl Hossain.
Nakipaghati ng puntos si GM John Paul Gomez kay GM Al-Rakib Abdulla sa 47 moves ng Ruy Lopez, samantalang nakipag-draw din si playing team captain GM Jayson Gonzales kay GM Niaz Murshed.
Nanatiling kasalo ang mga Filipino sa 74th hanggang 102nd place sa kanilang 8.0 points at nakatakdang labanan ang Pakistan sa ninth round.
Nalasap ng 62-anyos na si Torre, nasa kanyang record na ika-22nd Olympiad apperance, ang kanyang unang kabiguan sa torneo matapos kumuha ng 2 wins at 5 draws para sa kanyang 4.5 points.
Natalo naman ang mga Filipina sa Mongolians kung saan tanging si Jan Jodilyn Fronda ang nanalo matapos talunin si Uuganbayar Lkhamsuren sa 89 moves ng isang Dutch Defense.
Yumukod sina Chardine Cheradee Camacho, Janelle Mae Frayna at Catherine Perena kina International Master Batkhuyag Munguntuul, WGM Tuvshintugs Batchimeg at Bayanmunkh Ankhchimeg, ayon sa pagkakasunod.
Kasama ang mga Pinay sa 39th hanggang 57th spots sa kanilang 9.0 points at sunod na haharapin ang Costa Rica.
- Latest