Star Belle humarurot
MANILA, Philippines - Malakas na pagdating ang nagsantabi sa masamang alis sa aparato para sa Star Belle upang maiuwi ang 2014 Philracom Sponsored Charity Race 3rd ‘NPC Challenge Cup kahapon sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Si RM Telles ang dumiskarte sa apat na taong Australia filly na second choice sa tagisan at inunti-unti ang pagbangon bago umatake sa huling 200-metro sa isang milyang karera at gulatin ang mga nasa unahan.
May 1:36.8 winning time ang tambalan sa kuwartos na 24’, 23, 22’, 26’, para maibulsa rin sa winning horse owner ang P180,000.00 na ibinigay ng nagtaguyod sa karera na Philippine Racing Commission.
Ang Cash Register ni Christian Garganta na paborito sa pitong naglabanan ang agad na nanguna sa pagbukas ng aparato bago sumunod ang Born Tycoon ni JB Guce, Señor Vito ni Rodeo Fernandez at Magatto ni Kevin Abobo.
Ganito ang puwestuhan hanggang pasukin ang huling kurbada at nag-init na ang Star Belle na nasa ikalimang puwesto pa.
Sa rekta ay hawak pa ng Cash Register ang halos isa’t kalahating agwat sa mga naghahabol pero naka-singit ang Star Belle at nakuha ang balya.
Mula rito ay humataw pa ang kabayo para manalo pa ng isa’t kalahating dipang agwat sa Cash Register na napaboran dahil sa panalo na nakuha sa huling takbo.
Ang pakarerang ito ay ginawa ng National Press Club at ang kikitain ay para itugon sa kanilang mga proyekto.
Samantala, bubuksan ngayon ang isang linggong pista sa pakarera na handog ng San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Walong karera na balansiyadong binigyan ng handicap weight ang magpapasaya sa bayang-karerista na pa-tuloy ang pagtangkilik sa industriya na nakikitaan ng mas malaking kita kung ikukumpara sa nagdaang taon. (AT)
- Latest