Army sigurado na sa Final 4
MANILA, Philippines -Kasabay ng pagsiguro ng Lady Troopers sa unang puwesto sa Final Four ay ang pagsibak nila sa Lady Bulldogs sa kontensiyon.
Bumangon ang Philippine Army mula sa kabiguan sa dalawang set para resbakan ang National University, 22-25, 19-25, 25-21, 14-25, 15-7, patungo sa semifinal round ng Shakey’s V-League Season 11 Open Confe-rence kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Humataw si Jovelyn Gonzaga ng team-best na 21 hits, tampok dito ang 17 kills at 4 blocks para sa 8-2 record ng Lady Troopers.
Nagdagdag sina Rachel Ann Daquis, Nerissa Bautista at Ginie Sabas ng 20, 12 at 11 hits, ayon sa pagkakasunod para sa Army.
Sa pagbandera ni Jaja Santiago, inangkin ng Lady Bulldogs ang unang dalawang sets ngunit kumulapso sa sumunod na dalawang yugto.
Tumiyak naman ng playoff para sa ikaapat na tiket sa Final Four ang Philippine Air Force matapos ta-lunin ang PLDT Home Telpad, 25-21, 22-25, 17-25, 28-26, 15-8, sa unang laro.
Tumapos si Maika Ortiz, bumandera sa fifth set, na may team-high na 19 hits para sa ika-pitong panalo ng Raiders sa mid-season conference ng ligang itinataguyod ng Shakey’s katuwang ang Mikasa at Accel.
“Sinabi ko lang sa kanila na ilaro lang ‘yung tunay nilang laro,” sabi ni Air Force head coach Clarence Esteban na nakakuha kina Judy Caballejo, Joy Cases at Jocie Tapic ng 16, 13 at 11 hits, ayon sa pagkakasunod.
Bagama’t natalo, lumutang pa rin ang husay ng Turbo Boosters sa spikes sa itinalang 64 attacks kumpara sa 54 ng Raiders.
Ngunit nangibabaw naman ang Air Force sa blocks sa ipinosteng 17 kontra sa 10 ng PLDT Home Telpad.
Kasabay ng pagpapalakas sa kanilang tsansa sa semifinals, diniskaril din ng Raiders ang hangarin ng Turbo Boosters na makasikwat ng tiket sa Final Four. (RC)
- Latest