Perpetual sumandal kay Baloria
MANILA, Philippines - Naghatid ng 32 puntos si Juneric Baloria at siya ang nagningning sa huling minutong laro para ibigay sa Perpetual Help Altas ang 85-82 panalo laban sa Letran Knights sa 90th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Kinumpleto ni Baloria ang isang three-point play bago inagawan si Kier John Quinto tungo sa lay-up para pasiklabin ang 7-0 endgame run.
Bago ito ay hawak ng Knights ang 82-78 bentahe sa 3-pointer ni Marvin Cruz sa huling 59 segundo ng labanan.
May anim na tres pa si Baloria habang sina Harold Arboleda at Earl Scottie Thompson ay may double-double na 14-10 at 11-10 puntos at rebounds. May 15 pa si Justine Alano para sa Altas na nagkaroon ng 14-of-27 shooting sa 3-point line.
Ito ang ikalimang panalo sa walong laro ng tropa ni coach Aric del Rosario para samahan ang pahingang host Jose Rizal University Heavy Bombers sa pangatlong puwesto.
Nanguna para sa Knights si Rey Nambatac sa kanyang 23 puntos, kasama ang limang triples at ang Letran ay may 13 three-pointers mula sa 27 attempts.
Sina Kevin Racal at Jamil Gabawan ay may 14 at 10 puntos, habang 12 puntos at 11 rebounds ang hatid ni Mark Cruz ngunit ininda ng koponan ang pagkulapso sa huli para malagay sa 2-6 ang kanilang karta.
Sumablay sa dalawang free throws si Ford Ruaya sa puntong lamang pa ang Knights ng isang puntos habang ang backing violation sa huling tatlong segundo ni Cruz ang tumapos sa hininga ng Letran na lumayo ng 13 puntos matapos ang unang yugto.
Pinapurihan ni Del Rosario si Baloria na may 6-of-11 shooting sa 3-point line, 5-of-10 sa 2-point field at 4-of-4 sa free throw line.
“Maganda ang ipinakikita ni Baloria dahil masipag talaga sa ensayo,” pahayag ni Del Rosario.
Perpetual 85 -- Baloria 32, Alano 15, Arboleda 14, Thompson 11, Ylagan 6, Jolangcob 5, Dizon 2, Oliveria 0, Dagangon 0.
Letran 82 -- Nambatac 23, Racal 14, Cruz 12, Gabawan 10, Ruaya 9, Tambeling 9, Quinto 5, Castro 0, Luib 0, Singontiko 0, Publico 0.
Quarterscores: 17-30; 40-45; 65-59; 85-82.
- Latest