UAAP Men’s badminton: Nagparamdam agad ang Ateneo
MANILA, Philippines - Magarbong binuksan ng Ateneo ang kanilang kampanya para sa back-to-back men’s title matapos ang 4-1 panalo sa University of Santo Tomas kahapon sa UAAP Season 77 badminton tournament sa Rizal Memorial Badminton Hall.
Nagtala si Carlo Remo ng 21-17, 22-20 tagumpay kontra kay John Paul Yabut sa labanan ng mga rookies sa unang singles match para makauna ang Blue Eagles.
Magaan namang nanalo si reigning MVP Patrick Natividad kay Lee Sabanal, 21-10, 21-17 sa second singles bago nakopo ng Ateneo ang panalo nang igupo ng doubles tandem nina Justin Natividad at Theo Co sina JM Sotea at PJ Pantig, 21-14, 12-21, 21-12.
Yumukod naman sina Patrick Gecosala at Patrick Natividad kina Keith Reyes at Patrique Magnaye, 20-22, 14-21 sa second doubles bago isinelyo ni Justin Natividad ang panalo sa final singles sa pamamagitan ng 21-9, 20-22, 21-16 decision kontra kay Pantig.
Sa iba pang laro, tinalo ng Season 75 titlist National University ang University of the Philippines, 4-1, iginupo ng De La Salle ang Adamson, 4-1 at pinasadsad ng University of the East ang Far Eastern University, 3-2.
- Latest