41st World Chess Olympiad Maganda ang ipinapakita ng mga Pinoy kahit wala si So
MANILA, Philippines - Sa pagkawala ng mga malalakas na players na sina Grandmasters Wesley So at Oliver Barbosa, hindi inaasahang makakapagbigay ng magandang performance ang Philippine men’s team sa 41st Chess Olympiad na ginaganap sa Tromso, Norway.
Sa kalagitnaan ng 11-round, 14-day biennial event, ipinakita ng mga Pinoy na mali ang iniisip ng marami.
Matapos ang limang rounds, nakalikom na ang mga Pinoy woodpushers na pitong puntos mula sa posibleng 10 match points matapos manalo sa Afghanistan, Finland at Chile at maka-draw sa Bosnia Herzegovina bagama’t natalo sa se-cond seed Ukraine.
Susunod na kalaban ng mga Pinoy ang Austria na nilalaro pa habang sinusulat ang balitang ito.
Pinangungunahan ng may edad nang si Eugene Torre ang kampanya ng mga Pinoy at nananatili siyang walang talo taglay ang 3.5 points mula sa kanyang dalawang panalo at tatlong draw habang ang mga Olympiad rookies na sina GM Julio Catalino Sadorra at International Master Paulo Bersamina ay may tigatlong puntos.
Si GM John Paul Gomez ay may 2-points habang si playing captain Jayson Gonzales, last minute replacement matapos umatras si GM Banjo Barcenilla, ay hindi pa nakakalaro.
Ito ang performance ng mga Pinoy kahit wala si So, ang highest rated player ng bansa na lumipat na sa American men’s team, at si Barbosa na hindi nakasama dahil sa pagkaantala ng visa.
Sa pagkawala nina So at Barbosa, si Sadorra, standout sa University of Texas sa Dallas ang nasa top board sa kanyang kauna-unahan kampanya sa Olympiad habang ang 16-anyos na si Bersamina, ang nasa Board 4.
Maganda naman ang simula ng women’s team matapos maka-2 sunod na panalo ngunit bumagsak din matapos ang 2-sunod na kabiguan.
- Latest