Solo liderato asam ng NU
MANILA, Philippines - Tapusin ang kampan-ya sa first round na nasa itaas ng team standings ang magpapainit pa sa laro ng National University sa pagpapatuloy ng 77th UAAP men’s basketball ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kalaro ng Bulldogs ang FEU Tamaraws sa labanan ng mga koponan may winning records na magsisimula dakong alas-4 ng hapon.
Magsisilbing panghimagas ang pagkikita ng dalawang wala pang panalong koponan na Adamson Falcons at UP Maroons sa ganap na ika-2 ng hapon.
Asam ng Falcons na bigyan ng kauna-unahang panalo ang bagong coach na si Kenneth Duremdes habang putulin ang 27-game losing streak na nagsimula noon pang 2012 ang pakay ng UP.
Hindi pa rin makakasama ng Maroons ang kanilang head coach Rey Madrid nang hindi dininig ni league commissioner Andy Jao ang apela ng UP na pababain sa one-game ang ipinataw na suspension bunga ng akusasyon ni Madrid na may point shaving na ginagawa ang game officials ng liga.
Si Ramil Cruz ang inaasahang didiskarte sa pa-ngalawang sunod na laro ng UP na magagamit ang pagiging mas beteranong koponan para manalo sa determinado ring Falcons.
May three-game winning streak ang Bulldogs at maganda ang ipinakikita ng koponan dahil sa pagtutulungan ng lahat ng ginagamit na manlalaro ni coach Eric Altamirano.
Nasa 12 manlalaro ang naghahatid ng puntos sa koponan sa pangunguna nina Jeth Rosario (12.1 puntos), Alfred Aroga (11.5 puntos at 10 rebounds) at Joshua Alolino (10.67 puntos).
Sa kabilang banda, ikaapat na panalo sa anim na laro ang makukuha ng Tamaraws para saluhan ang nasa ikatlong puwesto na nagdedepensang kampeong La Salle (4-2).
Galing sa 78-81 pagkatalo ang tropa ni coach Nash Racela at nais nilang burahin ito. (AT)
- Latest